Calendar
457 bahay ipinamigay ng NHA
NAMAHAGi kamakailan ang National Housing Authority (NHA)-Region 7-Cebu District Office ng 457 housing units sa Brgy. Kangkaibe, Bantayan, Cebu.
Sa ilalim ng gabay ni General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni NHA Region 7-Cebu District Office Officer-in-Charge (OIC) Engr. Dante Estrobo ang seremonya kasama si Bantayan Mayor Arthur Despi, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga opisyal ng barangay.
Ang mga ipinamahaging tahanan ay bahagi ng Kabiayan ni Man Liling Housing Project na parte ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) na may layuning bigyan ng disenteng matutuluyan ang mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013.
Ayon kay Engr. Estrobo, patuloy ang adbokasiya ng NHA sa pagbibigay ng serbisyo publiko, lalo na para sa indigent population ng bansa, partikular ang mga pamilyang biktima ng trahedya at kalamidad.
Bilang tugon, ipinahayag ni Mayor Despi ang kanyang pasasalamat sa NHA para sa katuparan ng proyektong na magiging permanenteng tirahan ng kanyang mga nasasakupan.
Ang inisyatiba ay isang hakbang tungo sa pagbibigay ng ligtas at de-kalidad na pabahay para sa mga taga-Bantayan.
Sumisimbolo rin ito sa patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga pambansang ahensya ng gobyerno sa pagbuo ng matatag at inklusibong komunidad, ayon sa vision ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng isang Bagong Pilipinas.

