Calendar
GIBA NA–Nakamasid si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso habang ginigiba ng mga opisyal sa Brgy. 167, Tondo ang barangay hall na 15 taon nang nakatayo bilang pagtalima sa utos ni Mayor Moreno na linisin ang bangketa at kalsada ng Maynila sa lahat ng sagabal. Kuha ni JONJON C. REYES
Bgy hall kusang giniba ng mga opisyal para kalsada walang sagabal
NAGKUSA na ang mga opisyal sa Barangay 167 sa Tondo na gibain ang 15-taon na nilang barangay hall bilang pagtalima sa utos ni Manila Mayor Isko Moreno na linisin ang bangketa at kalsada sa lahat ng uri ng sagabal.
Pinuri naman ni Yorme Isko Moreno ang mga opisyal ng barangay sa kanilang naging hakbang nang bumisita at inspeksiyunin ang naturang lugar sa Cavite St., Juan Luna, sa Tondo nitong Martes ng umaga.
“Sila na mismo ang nag-volunteer, nasa kalsada ang barangay hall. Sila na mismo ang tumawag sa Pamahalaang Lungsod, Nasa kalsada talaga. Matutuwa talaga ang kanilang mga kapitbahay,” pahayag ng alkalde.
Pinapurihan din ng alkalde si Chairwoman Peony Edsel Acosta sa pagpapakita ng halimbawa sa iba pang opisyal ng barangay lalu na’t ang pagpapanatiling malinis ang lansangan ay mahalaga para maging ligtas at maayos na nagagamit ang kalye sa Maynila.
“Syempre, natutuwa tayo pag may katulad nina Barangay Chairwoman Acosta na nagkukusa, na sa ganoon, maging maaliwalas ang lungsod. Sana matularan ng iba pang natitirang mga barangay,” sabi pa ni Yorme Isko.
Idinagdag pa niya na ang pangunahing layunin ng lokal na pamahalaan ay ibalik sa tao ang bangketa at lansangan nang sa gayon ay kanila itong magamit ng maayos.
Aminado naman ang alkalde na matatagalan pang mapagtagumpayan ang kanilang kampanya dahil 40-porsiyento ng mga opisyal ng barangay ang umookupa sa bangketa at lansangan na kanilang pinatayuan ng istraktura.
“Kasi ’yung pamahalaan, hindi naman talaga titigil. Mahaba-haba ito. Pero kung talagang obstruction, nakikisuyo naman tayo,” dagdag pa ng alkalde.
Nagpasalamat naman si Chairwoman Acosta sa alkalde sa pangakong tutulong sa pagpapaganda ng lugar matapos ang demolisyonsyon at sinabing mayroon naman silang bagong barangay hall na nakatayo na kanilang magagamit.

