Lapid

Lapid sa nasalanta sa Pampanga: Di kayo pababayaan ng Pangulo

212 Views

TINIYAK ni Senador Lito Lapid sa mga mamamayang nasalanta ng matinding pagbaha sa Pampanga na kasama nila si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panahon ng krisis.

Sa isinagawang relief operation sa limang bayan na labis na naapektuhan—Sasmuan, Minalin, Sto. Tomas, Macabebe, at Masantol—personal na namahagi si Lapid ng food packs sa may 4,000 pamilyang lubos na nangangailangan. Sa pakikipag-ugnayan sa mga residente na nananatiling apektado ng baha, binigyang-diin ng senador ang pagkakaisa ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pagtugon sa kalamidad.

“Sana huwag silang mag-alala, nandyan ang mga local official natin, nandyan ang ating mahal na Pangulo, hindi kayo pababayaan,” pahayag ni Lapid.

Ipinaabot din niya ang pangako na makikipag-ugnayan siya nang direkta kay Pangulong Marcos upang talakayin ang mga pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na problema ng pagbaha sa lalawigan. Dagdag pa rito, nanawagan siya sa mga kasamahan sa Senado at mga lokal na opisyal na magtulungan para sa ikabubuti ng mga apektadong mamamayan.

“Kami, kaming mga senador, kailangan ‘wag nating pabayaan ang mga kasama natin. Kailangan tulong-tulong at magkaisa tayo,” aniya.

Ipinaliwanag ni Lapid na likas na mababa ang lokasyon ng Pampanga at nagsisilbing catch basin ng tubig mula sa mga karatig-lugar, dahilan upang madalas itong bahain. Gayunman, tiniyak niya sa mga residente na hindi sila nag-iisa sa kinakaharap nilang pagsubok.

“Halos buong Pilipinas, halos nationwide itong kalamidad natin. Pero nandito kami. Nandyan ang Pangulo. Hindi kayo nag-iisa,” dagdag pa ng senador.