Calendar
Source: PNP
Parcel delivery warehouse nilooban ng dating sikyu, tropa; P400K natangay
NINAKAWAN ng limang armadong lalaki ang dalawang cash vault ng parcel warehouse noong Sabado sa Marilao, Bulacan at natangay ang halos P400,000.
Ayon sa report, may puting closed van na dumating sa lugar at bumaba ang limang hindi nakilalang lalaki na nakita ng security guard sa J&T warehouse sa Brgy. Prenza 2, Marilao, Bulacan.
Lumapit ang isa sa mga lalaki sa security guard at tinutukan siya ng baril saka itinali ang kanyang mga kamay at bibig ng masking tape.
Kinilala ng Bulacan police ang isa sa limang suspek na dating security guard ng bodega.
Gumamit ng bolt cutter ang mga suspek para puwersahang makapasok sa bodega at nang makapasok kinuha ang dalawang vault na ang isa’y naglalaman ng P360,000 cash habang ang isa pang vault scanner may lamang P30,000.
Isinakay ng lima sa kanilang getaway vehicle ang dalawang vault kasama ang baril ng security guard at tumakas na.

