NLEX

NLEX pinagpapaliwanag dahil sa pagbaha sa expressway

Jun I Legaspi Jul 26, 2025
215 Views

PINAGPAPALIWANAG ng Department of Transportation at Toll Regulatory Board ang North Luzon Expressway (NLEX) Corp. dahil sa matinding pagbaha sa ilang bahagi ng expressway noong Lunes.

Tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang puspusang paghahanda ng mga ahensya ng pamahalaan para sa ligtas na biyahe ng ating mga kababayan ngayong tag-ulan ang explanation na hinihingi sa NLEX.

Base sa mga post sa social media, halos magdamag na-stranded ang ilang motorista dahil sa mga pagbaha sa bahagi ng Balintawak at Valenzuela sa NLEX noong kasagsagan ng bagyo.

Sa inilabas na show cause order (SCO) ng TRB, pinagpapaliwanag ang NLEX kung bakit hindi dapat ito patawan ng administrative sanctions dahil sa mga pagbaha, lalo na at inatasan na ng ahensya ang mga toll operator noong Mayo pa lang na paghandaan ang posibleng pagbaha ngayong tag-ulan.

Dahil dito, posible ring atasan ng Toll Regulatory Board ang NLEX na magpatupad ng libreng toll sa mga apektadong segment ng expressway.