Navotas

Mga biktima ng baha sa Navotas kay PBBM: Salamat sa tulong

518 Views

Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Sabado sa 162 pamilyang binubuo ng 538 indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa Tanza National High School sa Lungsod ng Navotas matapos bahain ang kanilang mga tahanan dahil sa malalakas na pag-ulan ngayong linggo.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga evacuee habang personal na kinausap at pinakinggan ni Pangulong Marcos ang kanilang mga hinaing.

Iniutos ng Pangulo ang agarang pagkukumpuni ng sirang navigational gate ng North Navotas Pumping Station (NNPS) upang maiwasan ang patuloy na pagbaha sa mga mabababang barangay sa Navotas at Malabon tuwing may high tide at malalakas na ulan.

Sa pagbisita ng Pangulo, namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga food pack, sleeping kit, at hygiene kit sa mga apektadong residente.

“Presidente Marcos, hihingi lang po kami ng kaunting tulong. Maraming, maraming salamat po sa inyo na natulungan ninyo po kami,” ani Rosalinda Alejo, 68, residente ng Tanza.

Si Alejo, may asawa at limang anak, ay nagsabing hirap silang makakuha ng pagkain at inuming tubig dahil sa baha at high tide. Ang kanyang asawa ay nagtatrabaho bilang tagakuha ng basura.

Si Edwin Bernal, 49, may pitong anak, ay hindi makapamasada ng “padyak” dahil sa baha.

“Siyempre hihingi kami ng tulong sa Presidente. Nawalan kami ng hanapbuhay dahil sa kalamidad. Ang tubig dito hanggang dibdib,” ani Bernal.

Si Roberto Cruz, 57, ama ng apat at nagtatrabaho bilang mangbabaka, ay nagsabing hindi pa rin humuhupa ang baha dahil sa sira-sirang gate.

“Sana mapagawa na yung gate para di na magbaha. Sana si Presidente Marcos ay matulungan po kami,” ani Cruz.

Ayon sa mga evacuee, simula pa noong Hulyo 21 ay umaabot na hanggang dibdib ang baha sa kanilang mga tahanan bunsod ng kombinasyon ng malalakas na ulan at high tide. PCO