Calendar
Tuloy ang gobyerno kay Yorme Isko Moreno kahit ano pang sama ng panahon
SA kabila ng hindi magandang lagay ng panahon, walang hirap na nakakapagbayad pa rin ng buwis ang Manilenyo bunga ng pagbuhay muli ni Mayor Isko Moreno sa GO Manila portal at Electronic Business One-Stop Shop (eBOSS).
Sinabi ng alkalde na nanatili pa rin ang normal na operasyon ng lokal na pamahalaan sa pagkolekta ng buwis ng mamamayan kahit isang linggong suspendido ang trabaho noong nakaraang linggo dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan na dala ng habagat.
Ipinaliwanag ng alkalde na sa pamamagitan ng naturang platform, magaang na makakapagbayad ng buwis at iba pang obligasyon ang mamamayan ng hindi na nila kailangan pang mag-aksaya ng oras sa pagpunta sa city hall.
“Last week wala tayong trabaho, pero kumikita ang gobyerno. Before, you will never hear such story,” pahayag ng alkalde sa kanyang talumpati sa regular na pagpupugay sa watawat Lunes ng umaga.
“Through Go Manila and eBOSS, kahit madaling araw, kahit gabi, sarado na ang opisina, may bagyo, nagkakaroon ng aberya, ang tao ay nagkaroon ng pagkakataon to participate by fulfilling their obligations to the City Government,” dagdag pa niya.
Dinisenyo rin aniya ang digital system, hindi lamang para maging kumbiniyente ang mamamayan kundi isang hakbang din ito sa pagsugpo sa katiwalian.
“Ang pinakamahalagang dahilan ng app na ito ay bigyan ng convenience ang mga taong nagbabayad ng buwis o kanilang obligasyon sa pamahalaan. Saan ka nakakita, nagbabayad ka ng amilyar, business tax, pitong oras ka nasa second floor, pitong oras ka nasa ground floor? Nagbabayad ka na, pinahihirapan ka pa,” sabi pa ng alkalde.
Sa kabila ng nararanasang problemang pananalapi na iniwan ng nakaraang administrasyon, tiniyak ng alkalde sa mga kawani na hindi maaantala ang kanilang sahod.
“Iniingatan namin ang General Fund… at least, kahit papaano ngayon, kaya kong sabihin, hanggang akinse ng Agosto, komportable akong may seswelduhin ang mga kasamahan kong naglilingkod sa taumbayan,” pagtiyak ni Yorme Isko.
Nagbigay din siya ng tagubilin sa mga kawani na pagsilbihan ng tapat sa kanilang puso at isipan ang mamamayan dahil hindi aniya lahat ay nabibigyan ng pagkakataon para makapagsilbi sa tao na pinakamasarap namnamin ng isang serbisyo publiko.
“Isipin ninyo, naglalakad kayo sa hallway, may sasalubong sa inyo para lang magpasalamat sa naibigay ninyong serbisyo, me sahod ka na, may thank you ka pa,” sabi ng alkalde.

