Calendar
May dalang shabu inambush habang nagpapa-gas, todas
INAMBUS ng riding-in-tandem ang 34-anyos na lalaki na may hawak pang shabu habang nagpapakarga ng gasolina noong Miyerkules sa Las Piñas City.
Patay na nang madala sa Christ the King Medical Center Unihealth si alyas Elmer sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan
Tumakas ang mga salarin sakay ng Yamaha Mio sa gawi ng Alabang.
Nakapagresponde sina Las Piñas police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla at inabutan pang umuusok na ang hulihang gulong ng sinasakyang Toyota Hilux ng biktima dahil umaandar pa ang makina habang nakasalalak na ito sa binanggang pader ng gasolinahan.
Sa ulat ni Col. Tafalla kay Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Randy Arceo, habang nagpapakarga ng gas sa Alabang-Zapote Road sa Brgy. Pamplona Uno ang biktima nang dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo dakong alas-9:45 ng gabi,
Bumaba ang backrider na nakasuot ng brown na jacket, maong pants at asul na helmet at sunod-sunod na pinagbabaril ang biktima.
Nakasaad sa report ng pulisya na nakita pang may hawak na isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang biktima bago siya naisugod sa pagamutan.

