Vic Reyes

Mga nagpupuslit ng bigas isuplong agad

Vic Reyes Aug 17, 2025
390 Views

MAPAGPALANG araw sa lahat ng ating mga suki.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Lalo na sa mga kababayan nating nasa Japan, Saudi Arabia, Oman at iba pang parte ng mundo.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Endo Yumi, Aimi Houchii, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Yoshiko Katsumata, Roana San Jose, Lorna Pangan Tadokoro, Hiroki Hayashi, Winger dela Cruz, at si Hiroshi Katsumata.

Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia.

Mabuhay kayong lahat!

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)

***

Sa susunod na buwan ay ipatutupad na ng gobyerno ang rice importation ban.

Ang pagbabawal sa importasyon ng bigas ay naglalayong protektahan ang kapakanan ng mga magsasaka.

Malaking hamon ito sa Bureau of Customs (BOC) dahil inaasahang abala rin ang mga ismagler ng bigas habang may importation ban.

Ang ibig sabihin nito, kailangang bantayang mabuti ng mga taga-BOC ang lahat ng mga lugar na puwedeng pagdaungan ng mga barko na may dala-dalang puslit na bigas.

Huwag nating kalimutan na may mahigit na pitong libong isla sa buong bansa.

Dahil kulang ng tauhan at sasakyang pandagat ang BOC, dapat tumulong ang Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at local government units(LGUs).

Kailangan ding bantayang mabuti ang mga pamilihang bayan na puwedeng pagdalhan ng smuggled rice.

Ang rice importation ban ay tatagal ng 60 days, ayon sa customs bureau.

“The BOC will leave no room for violations and will ensure that this ban is fully enforced,” ayon kay Customs Commissioner Ariel S. Nepomuceno.

Sinabi pa ni Nepomuceno na hindi nila ito-tolerate ang pagpuslit ng bigas.

Hindi lang ‘yan. Agaran nilang aaksyunan ang lahat ng pagpupuslit ng bigas at misdeclaration.

Naniniwala tayo na lahat ay gagawin ng nila Commissioner Nepomuceno para protektahan ang kapakanan ng ating mga magsasaka.

Sabi pa ni Nepomuceno: “We are committed to upholding the integrity of the rice market and we will do everything to prevent any illegal rice importation.”

Ang kailangan ay tumulong rin ang taumbayan para maipatupad ng maayos ang rice importation ban.

Kung may makikita silang nagbebenta ng puslit na bigas ay isuplong agad sa mga otoridad.

Tumulong din sila sa pag-monitor ng mga bodega o warehouses sa kani-kanilang lugar.

Baka dito iniimbak ang mga puslit na bigas.

Kung maaari lang ay huwag tayong bumili ng smuggled imported rice.

Tama ba, Finance Secretary Ralph Recto?

***

Kagaya ng sinasabi natin, kailangan talagang kayod-kalabaw ang gawin ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC).

Ang problema kasi, baka may mga iba na gustong samantalahin ang pagkakataon para kumita ng malaki.

Lalo na ang mga tinatawag na co-terminus employees sa gobyerno.

Ito ang mga empleyado na sabay na matatanggal sa puwesto pag-alis ng nag-appoint sa kanila.

Dahil alam nilang hindi naman sila permanente, baka maisipan nilang gumawa na ng mga milagro habang nasa puwesto.

Huwag na huwag nilang gawin ito dahil nakabantay sa kanila si Pangulong Marcos.

Sa tingin natin, magiging istrikto na si Pangulong Marcos.

Kaya, kayong mga tiwali diyan sa BOC at iba pang government agencies, ingat-ingat lang.

Baka matanggal pa kayo sa trabaho at makulong pa kayo dahil sa mga kalokohan nyo.