Rocket

PhilSa: Mag-ingat sa babagsak na parte ng Chinese rocket

297 Views

NAGBABALA ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibilidad na bumagsak ang mga bahagi ng Long March 8A rocket ng China sa karagatan ng Basilan, Tubbataha Reef, at Recto Bank sa Palawan.

Ayon sa Notice to Airmen (NOTAM) na inilabas ng PhilSA, posibleng mahulog ang debris sa mga itinakdang drop zones: humigit-kumulang 130 nautical miles (NM) mula El Nido, Palawan; 55 NM mula sa Tubbataha Reef Natural Park; at 27 NM mula sa Hadji Muhtamad, Basilan.

Kinumpirma ng ahensya na inilunsad ang rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan, bandang alas-3:09 ng madaling-araw noong Martes.

Bagama’t hindi inaasahang tatama sa kalupaan o kabahayan ang mga piraso ng rocket, may posibilidad itong magdulot ng panganib sa mga barko, eroplano, fishing vessels at iba pang sasakyang pandagat.

Pinaalalahanan ng PhilSA ang publiko na huwag lalapitan ang anumang bahagi ng rocket sapagkat maaaring naglalaman ito ng mapanganib na kemikal gaya ng rocket fuel.