Calendar
P500-M, solar-powered mega cold storage facility sa CamSur ‘gamechanger’ para sa food security—Villafuerte
ITINATAYO ng administrasyong Marcos ang isang P500-milyong, solar-powered mega cold storage facility sa Camarines Sur na may kapasidad na 1,300 tonelada.
Itinuturing itong gamechanger para sa food security pagsapit ng 2026, kung kailan magiging hub ito ng mga produktong agrikultural na patungo sa Metro Manila—hindi lamang mula sa probinsya at Bicol kundi maging sa Visayas at Mindanao, ayon kay Gov. LRay Villafuerte.
Ipinahayag ni Villafuerte, na muling nanunungkulan bilang gobernador matapos magsilbi ng tatlong termino bilang kongresista, na target na makumpleto bago matapos ang taon ang malaking pasilidad na ito. Itinatayo ito ng Department of Agriculture (DA) sa Pili katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng CamSur, kasunod ng kanyang inspeksyon kasama si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon kay Tiu Laurel matapos ang inspeksyon, maaaring mag-imbak ang proyektong ito ng iba’t ibang produktong agrikultural—kabilang ang gulay, karne, manok at isda—at nakaayon ito sa pananaw ni Pangulong Marcos na gawing “agri-preneurs” ang mga magsasaka, na hindi lamang mga tagapagtustos ng pagkain kundi mga pangunahing tagapag-ambag din sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng entrepreneurship.
Para kay Villafuerte, ang proyektong ito ng DA na tinaguriang Bicol Mega Cold Storage Facility “promises to be a gamechanger, once up and running by next year, as it is seen to enhance food security, generate jobs, spur agri-investments, and significantly boost farmers’ incomes in Bicol and nearby regions and even of farmers and agri entrepreneurs from as far as the Visayas and Mindanao whose produce or harvests are bound for Metro Manila and other urban centers.”
Bilang pangulo ng National Unity Party (NUP), sinabi pa ni Villafuerte na ang proyektong ito ng DA ay kaagapay din ng adbokasiya ng pamahalaang panlalawigan para sa renewable energy (RE) switch, dahil tampok dito ang solar power system na makatutulong na makabawas sa gastusin sa kuryente.
Unti-unting lumilitaw ang CamSur bilang RE capital ng bansa, partikular sa wind energy generation, kung saan mahigit isang dosenang offshore at onshore wind farms ang nakapila sa Department of Energy (DOE) na may kabuuang kapasidad na 8,000 megawatts (MW). Kabilang dito ang nagpapatuloy na 1,000-MW offshore wind (OSW) project ng Copenhagen Offshore Partners (COP) sa San Miguel Bay, na kapag naging operational ay magiging pinakamalaking OSW farm sa bansa.
Ang COP ang eksklusibong offshore developer ng Copenhagen Infrastructure Partners, isa sa pinakamalalaking dedicated renewable investment firms sa mundo na nakabase sa Copenhagen, Denmark.
Pinuri ni Villafuerte sina Pangulong Marcos at Kalihim Tiu Laurel para sa makabagong inisyatiba, dahil hindi lamang nito mapapahaba ang shelf life ng ani ng mga magsasaka at mababawasan ang postharvest losses, kundi tutulungan din silang makahanap ng bagong merkado, madagdagan ang halaga ng kanilang produkto, mapataas ang kita at makahikayat ng pamumuhunan sa agrikultura.
Ayon kay Tiu Laurel, magkakaroon ang complex ng anim na malalaking refrigerated warehouses, na bawat isa ay may kakayahang mag-imbak ng humigit-kumulang 224 tonelada ng produktong agrikultural, o kabuuang kapasidad na higit sa 1,300 tonelada.
Idinisenyo umano ito upang magsilbi hindi lamang sa CamSur, kundi sa iba pang bahagi ng Bicol, Visayas at maging sa Mindanao, na ang mga produkto ay dumaraan sa probinsya patungong Metro Manila at iba pang pangunahing merkado.
Sinabi ni Villafuerte na nakikipagtulungan ang pamahalaang panlalawigan sa DA upang matiyak na makukumpleto ang modernong complex na ito sa Disyembre, upang makapagsimula na ito sa operasyon pagsapit ng susunod na taon.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Villafuerte: “From breaking ground last June to full operation this December (in just 6 months!), this project will soon be the biggest in Southern Luzon. Isa itong malaking hakbang para gawing agri-industrial food hub ang CamSur.”
Matapos ang inspeksyon, lumahok sina Villafuerte at ang Kalihim ng DA sa unang Bicol Cacao Congress, na nagtipon sa mga magsasaka at mga kinatawan mula sa pribadong sektor, akademya at mga local government unit (LGU) upang talakayin ang pagpapatibay ng cacao industry sa Bicol.
Sa kanyang inaugural speech noong Hunyo 30, ipinangako ni Villafuerte na isusulong ang 12-point program upang gawing makabago ang CamSur—isang Bicol province na nakahanda para sa Artificial Intelligence (AI) at digital switch, may de-kalidad na pasilidad medikal at libreng healthcare programs, mas maraming paaralan at scholarship para sa mga estudyante, at mas mahusay na transportasyon kabilang ang high-speed rail line at isang international airport.
Kasama sa 12-point priority plan ni Villafuerte ang paggawa sa CamSur bilang sentro ng agricultural processing at exports at bilang pugad ng RE o clean energy bilang suporta sa pagsisikap ng Pilipinas tungo sa low-carbon economy.
Layunin niyang gawing agro-industrial province ang CamSur, kung saan bibigyang prayoridad ang pagproseso at pag-export ng mga produktong bukid sa pamamagitan ng world-class Rice Processing Center at ng CamSur Food Complex, na gagawa ng health drinks, superfoods, at world-class coconut by-products at iba pang prutas at gulay na inani at pinroseso ng mga lokal na magsasaka.

