LTO

LTO: 19 riders sa Bulacan ‘di dapat bigyan ng lisensya

Jun I Legaspi Aug 28, 2025
339 Views

INIREKOMENDA ng Land Transportation Office (LTO) na huwag isyuhan ng driver’s license ang 19 na tao na taga-San Rafael, Bulacan na sangkot sa peligrosong motorcycle show at ilegal na karera sa bypass road sa naturang bayan ilang linggo na ang nakakalipas.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang rekomendasyon ay inilabas matapos ang pagdinig noong Agosto 27 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na habulin ang mga lumalabag sa batas-trapiko.

Bukod sa anim na nasa hustong gulang na dumalo sa pagdinig at apat na hindi nakaharap dahil nasa kulungan pa, sinabi ni Asec. Mendoza na sakop din ng diskwalipikasyon ang siyam na menor de edad na napatunayang nagmaneho rin ng motorsiklo.

Ang naturang pagdinig ay bahagi ng imbestigasyon ng LTO kaugnay ng operasyon ng Highway Patrol Group (HPG) sa San Rafael, Bulacan matapos makatanggap ng mga reklamo na ginagamit ang bypass road sa motorcycle race at exhibition.

Sa operasyon, inaresto at kinasuhan ang siyam na nasa hustong gulang at 12 menor-de-edad naman ang nasa kustodiya ng pulisya, kabilang na ang ilan na aktwal na nagmamaneho ng motorsiklo.

“Sa pagdinig, lumabas na wala ni isa sa kanila ang may lisensya. Malubha itong kaso at magsilbi sana itong babala na hindi namin palalampasin ang sinumang lalabag sa mga alituntunin at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada,” pahayag ni Asec. Mendoza.

Nagsumite ng kanilang nakasulat na paliwanag ang anim na nasa hustong gulang, gayundin ang siyam na menor de edad na una nang isinailalim sa kustodiya bago ibinalik sa kanilang mga magulang.

Inamin ng mga magulang na pinapayagan nilang magmaneho ng motorsiklo ang kanilang mga anak.

Sa pagdinig, kinilala at inamin ng lahat ng dumalong respondent ang mga paglabag na nakasaad sa kanilang Show Cause Orders (SCOs), at nagsumite sila ng kani-kaniyang sagot at komento kaugnay ng insidente.

Bukod dito, nakumpirmang walang plaka at hindi rin rehistrado ang mga motorsiklong ginamit.

Ang anim na nasa hustong gulang, pati na ang mga hindi dumalo, ay nahaharap sa kasong driving without license, failure to wear the standard protective motorcycle helmet, driving a motor vehicle without a license plate at being an improper person to operate a motor vehicle.