Batangas

CHO mahihingan ng tulong ng mga may anak na adik

183 Views

HINIKAYAT ni Batangas City Mayor Marvey Mariño ang mga magulang na may anak na gumagamit ng ilegal na droga na sumangguni sa City Health Office (CHO) upang matulungan ang kanilang mga anak.

Sinabi ito ng mayor sa pagpupulong ng Peace and Order Council at City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) noong Agosto 28.

May mga early intervention programs ang CHO at CADAC tulad ng drug screening at consultation, drug-dependency examination at counselling.

Pag-aaralan ng pamahalaang lungsod na gawing requirement ang drug-test result para sa mga benepisyaryo ng piling programa ng lokal na gobyerno upang mas mapaigting ang kampanya kontra iligal na droga, ayon sa alkalde.

Samantala, iniulat ni P/Lt. Col. Ira Morello, hepe ng pulisya, na nakapagsagawa sila ng 163 drug operations mula Enero hanggang Agosto 2025.

Mahigit 200 drug personalities ang naaresto sa anti-drug operations.

May 98% crime solution efficiency ang Batangas City, ayon sa hepe ng pulis.

Binigyang-diin din ni Morello na nananatiling tahimik ang Batangas City at patuloy itong may mababang crime rate.

Samantala, iniulat ni Cris Mark Banaag ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) ang pagpapatupad ng mahigpit na road safety at helmet law.

Sa direktiba ni Mayor Mariño, nagtalaga ang TDRO ng waiting areas na may tent para sa mas maayos at mas ligtas na pagpila ng mga pasahero.