Calendar
LPA malabong maging tropical cyclone, magdudulot ng ulan
MAGDUDULOT ng mga pag-ulan ang isang low pressure area (LPA) at ang easterlies sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA nitong Lunes.
Ang LPA, na nasa 235 kilometro kanlurang bahagi ng San Jose, Occidental Mindoro ng alas-3 ng hapon, ay malabong magbago at maging isang tropical cyclone, ayon sa forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas ng alas-4 ng umaga.
Gayunpaman, magdudulot ng kalat-kalat na ulan at thunderstorms ang LPA sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.
Makakaranas din ng kalat-kalat na ulan at thunderstorms ang Cagayan Valley dulot ng easterlies.
Ang mga katamtaman hanggang sa malalakas na ulan sa mga nabanggit na lugar ay maaaring magdulot ng flash floods o landslides.
Samantala, magpapatuloy ang mga isolated na pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms sa ibang bahagi ng bansa.
Magiging katamtaman ang hangin at alon sa mga lugar sa hilagang bahagi ng Luzon, habang magaan hanggang katamtamang hangin at alon naman ang inaasahan sa iba pang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.

