Saksak

Mag-asawa nag-away; misis patay kay mister

Gil Aman Sep 15, 2025
383 Views

PATAY ang 34-anyos na ginang nang saksakin ng 40-anyos na mister dahil sa mainitang away sa kanilang tahanan sa Calauan, Laguna, madaling araw ng Linggo.

Kinilala ng pulisya ng Calauan ang nasawing biktima na si alyas “Angie” ng Barangay San Isidro ng nasabing bayan.

Nasawi ang ginang sa tama ng saksak sa katawan mula sa kitchen knife na ginamit ng suspek.

Tumakas ang mister na suspek na kinilalang si alyas “Sotero” na isang fishpond caretaker matapos ang insidente dakong alas-4 ng madaling araw noong Setyembre 14.

Bagaman nagawa pang awatin ang suspek ng isang 40-anyos na saksi na isa ring fishpond caretaker, hindi naman ito nagpaawat sa pananaksak sa biktima sa loob ng kanilang bahay.

Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya ng Calauan, samantalang kasong parricide ang isasampang kaso laban sa suspek.