Dialysis

Dialysis center sa Noveleta bukas na

Dennis Abrina Sep 16, 2025
310 Views

Dialysis1NOVELETA, CAVITE – Bukas na ang Noveleta Dialysis Center sa 3rd floor ng Noveleta MedCare Center sa Brgy. San Jose 1 noong Setyembre 15 at ang mayor ng bayan na si Davey Chua ang dumalo sa soft opening ng kauna-unahang dialysis hub sa unang distrito ng lalawigan.

Sa pakikipagtulungan ng local government unit, Nephro Plus at PhilHealth, operational na ang naturang pasilidad para sa mga kailangan ng dialysis.

Ang naturang pasilidad ay may 12 bagong units ng B Braun dialysis machine na kayang mag-accommodate ng 24 pasyente kada araw.

Ayon kay Chua, ang naturang dialysis ay libre para sa lahat ng PhilHealth members.

“Hindi na po tayo lalayo para magpa-dialysis. ‘Yung iba ay nasadya pa ng National Kidney Transplant Institute sa Quezon City para magpa-dialysis, ‘yung iba ay sa Bacoor, Las Piñas at Tanza at sa Trece Martires,” sabi ni Chua.

Tatlong dialysis patients ang sumalang sa inisyal na pagbubukas ng naturang pasilidad.

Ayon sa isa sa tatlong pasyente, na isang taon ng nagpapa-dialysis, hindi na kailangan ng pamasahe para pumunta sa dialysis center.