MMDA

Pagbabawal sa street parking inaprobahan ng MMC

Edd Reyes Sep 16, 2025
392 Views

IPATUTUPAD na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabawal sa pagparada ng lahat ng uri ng sasakyan sa mga pangunahing lansangan at national secondary roads matapos maipasa ng Metro Manila Council ang regulasyon Martes ng hapon.

Naglabas ng panuntunan sa ilalim ng MMDA Regulation No. 25-001 o ang “Harmonizing Public Street Parking sa Metro Manila ang ahensiya na magtatakda ng pagbabawal sa papangalanang mga pangunahing lansangan.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, ang hakbang ay nakabatay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na panatilihin ang integridad at paglilinis sa mga pangunahing lansangan sa lahat ng mga sagabal upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng lahat ng road users na nasa ilalim ng kapangyarihan ng ahensiya.

Kabilang sa mga pangunahing lansangan na ipagbabawal ang pagparada ng mga sasakyan ang CM Recto Avenue, Araneta Avenue, kahabaan ng EDSA, Commonwealth Avenue, Roxas Blvd. Taft Avenue, Osmena Highway at marami pang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Ipinaubaya naman ng MMDA ang street parking at Mabuhay Lanes sa Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Pasay matapos humirit sina Mayor Isko Moreno Domagoso at Mayor Emi Calixto-Rubiano na hindi puwedeng total ban sa ilan nilang kalsada dahil mapipilay anila ang ekonomiya ng kanilang lungsod.

Inatasan na lang ni Artes ang mga lungsod na maglabas ng kani-kanilang ordinansa na magbabawal sa kanilang mga pangunahing lansangan basta’t kailangan lang na ipagbawal ang pagparada mula alas-7 hanggang alas 10 ng umaga at alas-5 hanggang alas-8 ng gabi.

Target ng MMDA na ipatupad ang regulasyon bago mag-Pasko upang maibsan ang masikip na daloy ng trapiko habang ibabatay naman ang pagbabayad ng multa sa mga mahuhuling lalabag sa umiiral na Metro Manila Traffic Code of 2023.