Pic

Mga pulis muling nagpakita ng katapatan, kabayanihan

Alfred Dalizon Sep 20, 2025
403 Views

Pic1MULING ipinamalas ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang magkaibang kuwento ng katapatan at kabayanihan, bagay upang lubos silang papurihan ni Acting PNP chief, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ang dalawang nakakatabang-pusong insidente na tinatampukan ng mga pulis, ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya ay ayon na rin sa utos sa kanila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na panatilihin ang integridad, propesyonalismo, at tapat na paglilingkod sa publiko.

Binanggit ng PNP chief ang isang post sa social media ang nagpuri kay Patrolwoman Sunshine Cariaga ng Eastern Police District–District Mobile Force Battalion matapos niyang isauli ang halagang ₱30,000 na aksidenteng napadala sa kanyang GCash account.

Ang naturang pera ay pag-aari ng isang overseas Filipino worker (OFW) na ipinadala sana sa kanyang pamilya ngunit nagkamali ng numero.

Bagama’t naka-uninstall ang kanyang GCash app, agad itong muling in-install ni Patrolwoman Cariaga, kinumpirma ang transaksyon, at ibinalik ang buong halaga kinaumagaha sabay sa magalang na pagtanggi sa inialok sa kanyang pabuya ng OFW na hindi alam na siya ay isang policewoman.

Sa hiwalay na insidente, ipinakita rin ng mga miyembro ng Lingayen Municipal Police Station ang kanilang pagiging alerto at dedikasyon nang matagumpay nilang nailigtas ang isang apat na araw na sanggol na dinukot mula sa Lingayen District Hospital.

Nagkunwaring nars ang suspek at naloko ang ina ng sanggol na ibigay ang bata. Sa tulong ng pamilya, mga residente, at mabilis na aksyon ng pulisya, ligtas na nabawi ang sanggol sa Binmaley, Pangasinan, at naaresto ang suspek na ngayon ay nahaharap na sa patong-patong na kaso.

Pinuri ni Lt. Gen. Nartatez Jr. ang dalawang insidente na kinatampukan ng kanyang mga tauhan.

“Pinupuri ko si Patrolwoman Cariaga at lahat ng mga tauhan ng Pangasinan police force naging bahagi ng agarang pagliligtas sa sanggol. Ipinapakita ng mga pangyayaring ito na ang tunay na kabayanihan ay maaaring makita sa iba’t ibang anyo—sa pagiging tapat sa araw-araw na sitwasyon o sa pagpapakita ng tapang sa oras ng panganib,” sinabi niya.

“Patuloy na naglilingkod ang ating kapulisan nang may integridad, propesyonalismo, at malasakit, upang maprotektahan ang sambayanang Pilipino at patuloy na makuha ang kanilang tiwala,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay PNP spokesperson, Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, hindi sila magsasawang banggitin ang mga istorya ng katapatan at kabayanihan ng kanilang mga kabaro.

“Ang mga kwentong ganito ang nagpapaalala sa atin kung bakit tayo naglilingkod. Sa bawat pagkakataong pinipili ng isang pulis ang tama—kahit tila simpleng bagay o mapanganib na sitwasyon—mas tumitibay ang ugnayan ng pulis at ng komunidad. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa lahat ng miyembro ng PNP na patuloy na mamuno nang may integridad at puso,” ayon sa opisyal.

Patunay ang mga kasong ito na ang kabayanihan ay madalas tahimik ngunit may pangmatagalang epekto. Hindi ito mga natatanging insidente, kundi malinaw na ebidensya ng mataas na pamantayan ng integridad at serbisyo para sa sambayanang Pilipino, sinabi ni Brig. Gen. Tuaño.