Calendar
Isang suntok tumigok sa kelot
DEDO ang isang lalaki matapos suntukin ng suspek umaga ng Lunes sa kahabaan ng Reyes Libis, Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Ang 50-anyos na biktimang si alyas “Orlando” ay walang asawa at trabaho, at nakatira sa Brgy. San Jose ng nabanggit na bayan.
Ang 21-anyos na suspek ay kinilalang si alyas “Jovin” na binata at tindero, at nakatira sa Reyes Libis, Brgy. San Jose, Rodriguez.
Sa imbestigasyon nina PSSg. Michael Manipor, Pat. Wilfredo Alfaro, BPSO Robert Obillos, BPSO Villanueva Narra Gumawa at BPSO Melvin Isaac Guevara ng Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal, ang biktima ay napag-alamang pinapakalma ang sitwasyon hinggil sa isang diskusyon ng grupo dahil sa kalasingan.
Ngunit habang nagaganap ang interbensyon, dumating ang suspek at sinuntok ang biktima.
Sa lakas ng suntok ay bumagsak umano ang biktima at tumama ang ulo sa semento.
Nawalan ng malay ang biktima at kaagad dinala sa Casimiro Ynares Hospital, kung saan siya ay idineklarang patay na nang dumating ng sumuring manggagamot.
Kasunod ng insidente, agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga kapulisan at kinalaunan ay naaresto ang suspek.
Kaagad ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at siya ay dinala sa Casimiro Ynares Hospital para sa pisikal na pagsusuri.

