Suspek

3.32M lighters nasabat ng parak

Bernard Galang Sep 26, 2025
299 Views

PULILAN, Bulacan–Nasamsam ng mga pulis noong Huwebes ang tinatayang P16.6 milyon na halaga ng hindi sertipikadong lighter mula sa isang Chinese national sa Brgy. Sta. Pelegrina ng bayang ito.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang 3,320 kahon na naglalaman ng 3,320,000 pirasong Yowant brand lighter.

Walang kaukulang Import Commodity Clearance (ICC) at Philippine Standard (PS) marks mula sa Department of Trade and Industry-Bureau of Philippine Standards (DTI–BPS) ang mga lighters.

Paglabag sa Consumer Act of the Philippines o RA 7394 ang mga produktong walang PS at ICC marks, ayon sa report.

Bukod sa mga lighter, narekober din sa bodega ang iba’t-ibang delivery receipts, BIR at DTI registrations at isang digital video recorder.

“Nanatiling matatag ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tungkulin nitong protektahan ang publiko laban sa mga iligal na kalakalan at tiyakin na tanging ligtas at sertipikadong produkto lamang ang makarating sa mga mamimiling Pilipino,” ayon kay Police Colonel Grant Gollod, Regional Chief ng CIDG RFU 3.