Taiwanese

BI agents hinuli Taiwanese na pumasok ng ilegal sa PH

Jun I Legaspi Sep 28, 2025
346 Views

TIMBOG sa mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang lalaking Taiwanese sa Baguio City na pumasok sa Pilipinas nang hindi dumaan sa tamang inspeksyon.

Kinilala ang dayuhan na si Cheng Chin-Pang, 69, na inaresto noong Setyembre 25 sa Sto. Tomas Road, Green Valley, Dontogan, Baguio City ng mga agents ng Regional Intelligence Operations Unit–Cordillera Administrative Region (RIOU-CAR).

Inamin ni Cheng na pumasok siya sa bansa noong 2024 sa pamamagitan ng backdoor sa Tawi-Tawi. Sumakay siya ng bangka mula Malaysia patungong Maynila nang hindi dumaan sa wastong proseso ng imigrasyon.

Inaresto si Cheng dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act bilang isang ilegal na dayuhang pumasok sa bansa.

Dinala siya sa BI main office sa Maynila para sa booking, medikal na pagsusuri at biometrics at ngayo’y nakapiit na sa BI Warden Facility sa Taguig habang isinasagawa ang proseso ng deportasyon.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang patuloy na pagtupad ng ahensya sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na pagpasok.

“Naninindigan ang Bureau of Immigration sa pagbabantay sa mga hangganan ng bansa. Ang mga dayuhang palihim na pumapasok sa Pilipinas nang walang kaukulang dokumento ay aarestuhin, idedeport at ipagbabawal nang muling makapasok. Bahagi ito ng aming tungkulin na pangalagaan ang pambansang seguridad at ang sistema ng imigrasyon,” sabi ng BI chief.