PNP Chief Lt. Gen. Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

PULIS NASAGIP INA NA HINOSTAGE NG ANAK

Alfred Dalizon Oct 5, 2025
256 Views

NAILIGTAS ng mga pulis sa Palawan ang 62-anyos na babae at ang kanyang batang pamangkin nang walang anumang tinamong pinsala matapos silang gawing hostage ng anak ng babae na may dalang bolo sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng Rizal noong Setyembre 30.

Nagsimula ang insidente ng pangho-hostage bandang alas-9 ng gabi noong Setyembre 29, nang biglang kumuha ng itak ang 34-anyos na suspek at tinakot ang kanyang ina at pamangkin na papatayin sila habang nasa loob ng kanilang bahay sa Sitio Imbo, Purok Masagana, Barangay Canipaan.

Makalipas ang pitong oras, nakatakas ang ina, dahilan upang dalhin ng suspek ang batang biktima sa isa pang bahay ng pamilya sa may kahabaan ng national highway.

Nakatanggap ng ulat ang lokal na pulisya ukol sa insidente bandang alas-4:30 ng madaling araw sa parehong araw.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Rizal Municipal Police Station, 1st Palawan Mobile Force Company, Palawan SWAT at Philippine Coast Guard Rizal Detachment upang tiyakin ang seguridad sa lugar at simulan ang negosasyon sa hostage taker.

Habang nagpapatuloy ang negosasyon, sinamantala ng mga pulis ang pagkakataon nang mapansin nilang inaantok na ang suspek.

Pumasok sila sa likurang pintuan ng bahay, nadisarmahan ang suspek at matagumpay na nailigtas ang menor de-edad na biktima nang walang nasaktan.

Dinala ang dalawang biktima sa Rizal Rural Health Unit para sa medikal na pagsusuri.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa imbestigasyon at kaukulang aksyon.

Pinuri ni acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga rumespondeng pulis dahil sa kanilang propesyonalismo at dedikasyon.

“This fruitful operation demonstrates the readiness, courage, and commitment of our men and women in uniform to protect the lives of every Filipino. The peaceful resolution of this crisis, without harm to the victims, is a clear reflection of the PNP’s unwavering resolve to uphold public safety,” sinabi ni Nartatez.

“I commend our operatives and partner security forces for their bravery and swift action that prevented a potential tragedy,” dagdag pa niya.

SInabi rin ng tagapagsalita ng PNP na si Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño na ang “safe resolution of this crisis demonstrates the PNP’s commitment to protecting the public with integrity and professionalism. In times of danger, the Filipino people can count on their police force to respond swiftly and decisively.”