Ex-sundalo arestado dahil sa rent tangay modus

326 Views

NAHAHARAP sa kasong estafa ang isang dating sundalo na sangkot umano sa “rent-tangay” modus sa Pangasinan.

Ang suspek na si alyas “Corporal De Leon”, ay naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) noong Oktubre 2, sa Balaoan, La Union,

Sa ulat kay QCPD Acting District Director, P/Col. Randy Glenn Silvio, nabawi ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa pamumuno ni ng P/Lt. Col. Hector Ortencio, mula sa suspek ang dalawang ninakaw na sasakyan na nauugnay sa car-for-rent scam.

Batay sa imbestigasyon, pinarentahan ng may-ari ang kanyang Mitsubishi Xpander at Mitsubishi Mirage kay Corporal De Leon, na dating Philippine Army subalit hindi na ito ibinalik at hindi na rin siya makontak.

Naglunsad ang mga operatiba ng DACU ng surveillance operation hanggang sa matunton ang kinaroroonan ng mga nawawalang sasakyan.

Noong Oktubre 2, pinuntahan ng mga operatiba ang Balaoan, La Union, kung saan narekober ang isang pulang Mitsubishi Xpander.

Nalaman sa may-ari nito na isinanla ni De Leon ang Xpander sa halagang P200K noong Hunyo 2025 at hindi na natubos pa.

Kinagabihan, narekober din ng team ang isang pulang Mitsubishi Mirage sa Sison, Pangasinan, kung saan inamin din ng may-ari na sinanla din ito ni De Leon sa halagang P100K noong Pebrero 2025.

Kusang isinuko ng dalawang may-ari ang mga sasakyan nang malaman na ang mga ito ay sangkot sa rent-tangay.

Ang mga narekober na sasakyan ay nasa kustodiya na ngayon ng QCPD para sa macro-etching examination at verification ng engine at chassis numbers.