Calendar
Kinilala ni PBGen.Arnold Thomas Ibay, RD ng Negros Island Region, ang mga suspek matapos matimbog ang mga ito sa inilatag na buy-bust operation sa Pontevedra, Negros Occidental. JONJON C. REYES
Negos Occ buy-bust: P816K shabu nasamsam; kelot,bebot dinampot
ARESTADO ng mga operatiba ng Station Drugs Enforcement Team (SDET) sa Pontevedra Municipal Police Station ang isang bebot at isang kelot sa buy-bust operation na isinagawa Miyerkules ng hapon sa kahabaan ng Rizal Street, Purok LGM, Barangay II-Poblacion, Pontevedra, Negros Occidental.
Nakilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Chris, 50, high value individual, residente ng Rojas Street, Barangay 5, Kabankalan City; at si alyas Rufa, 36, ng Sitio Barangay, Barangay Enclaro, Binalbagan, Negros Occidental.
Ayon sa report na natanggap ni Police Brig. General Arnold Thomas Ibay mula sa kanyang mga tauhan, bandang 3:45 p.m. nang ilatag ang buy-bust.
Nasamsam mula sa dalawang suspek ang mahigit kumulang sa 120 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P816,000.
Kabilang pa sa mga nasabat ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, P1,000 bill, limang P500 bill na ginamit sa operation,13 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hihinalang shabu at drug paraphernalia.
Nagpaabot ng papuri at pasasalamat si PBGen. Ibay, Regional Director ng Negros Island Region (NIR) ,sa mga kapulisan matapos ang payapang operasyon at pagkakahuli sa mga suspek. Ang mga nasamsam na ebidensiya ay ipapadala sa PNP Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination. Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa mga suspek na nasa kustodiya na ngayon ng Pontevedra MPS.
