Calendar
Source: Panabo City Information Office
Davao Oriental niyugyog ng magnitude 7.4 lindol
ISA ang kumpirmadong patay matapos na tumama ang magnitude 7.4 na lindol Biyernes ng umaga sa karagatan malapit sa Manay, Davao Oriental.
Ayon kay Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang, ang biktima ay residente ng Mati City na nadaganan ng bumagsak na bahagi ng kanyang bahay.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naramdaman ang lindol dakong alas-9:43 ng umaga na may lalim na 20 kilometro.
Una itong naitala bilang magnitude 7.6, ngunit agad itong binago sa 7.4 bago mag alas-11 ng umaga.
Naramdaman ang intensity V ng lindol sa malaking bahagi ng Davao Region, Davao de Oro, Davao del Norte, Cotabato, South Cotabato, Surigao del Norte, at ilang bahagi ng Caraga at Mindanao.
Nasa intensity IV hanggang II naman ang naramdaman sa mga rehiyon ng Visayas, Northern Mindanao at ilang bahagi ng Luzon, kabilang na ang Eastern Samar, Leyte, Samar at Bukidnon.
Ayon sa Phivolcs, ang intensity ay batay sa naramdaman ng mga tao at epekto sa mga istruktura at kapaligiran.
Tsunami warning
Kaugnay nito, naglabas ng tsunami warning ang Phivolcs para sa mga baybaying dagat sa mga lalawigan ng Davao Oriental, Surigao del Norte at Sur, Dinagat Islands, Leyte, Southern Leyte at Eastern Samar.
“Destructive tsunami is expected with life threatening wave heights,” sinabi ng Phivolcs.
Ayon sa Phivolcs, inaasahan ang mga alon na higit isang metro ang taas, at maaaring mas mataas pa sa mga bay at kipot.
Naging epektibo ang babala mula ika-9:43 ng umaga hanggang alas-1:43 ng hapon ng Biyernes, bago opisyal nang binawi pagsapit ng hapon.
Bukod dito, naglabas din ng tsunami warning ang Indonesia para sa Hilagang Sulawesi dahil sa posibleng epekto ng lindol.
Bilang tugon sa insidente, suspendido ang klase at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa maraming bahagi ng Davao Region.
Sa isang advisory, inanunsiyo ng city government ng Davao ang agarang suspensiyon ng klase upang bigyang-daan ang assessment ng pinsala sa mga estruktura.
Naglabas din ng Executive Order No. 38 si Mayor Juanito Inojales ng Governor Generoso, Davao Oriental, para sa suspensiyon ng trabaho at klase.
Sa Davao de Oro, nagpatupad ng suspensiyon ng klase at trabaho si Governor Raul Mabanglo, maliban sa mga frontline services.
Ang lindol sa Davao Oriental ay kasunod lamang ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Bogo City, Cebu, noong Setyembre 30 kung saan 74 katao ang nasawi at mahigit 559 ang nasugatan.
Mobilisasyon ng gobyerno
Agarang inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na kumilos upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng naapektuhan ng lindol.
“We are now assessing the situation on the ground and ensuring that everyone is safe,” ani Pangulong Marcos. “We are working round the clock to ensure that help reaches everyone who needs it.
Let us continue to look out for one another and pray for the safety of all our countrymen.”
Sa utos ng Pangulo, agad na nag-activate ng emergency response ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., agad na naipuwesto ang mga yunit ng PNP sa Davao Oriental at mga karatig-lalawigan upang tumulong sa mga komunidad, panatilihin ang kaayusan at makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad.
Kasalukuyang nagsasagawa ng inspeksyon ang mga pulis sa mga gusali, kalsada at iba pang imprastruktura upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang atensiyon.
“The PNP is working closely with the Provincial and City Disaster Risk Reduction and Management Offices (PDRRMO/CDRRMO) to support disaster response and provide assistance to those in need. The public is advised to stay calm, follow safety guidelines and avoid damaged structures while keeping updated through official announcements,” aniya.
Ayon naman kay Brig. Gen. Randulf T. Tuaño, tagapagsalita ng PNP, buo ang commitment ng PNP na tumulong sa mga apektadong komunidad at tiyakin ang kaligtasan ng lahat sa panahon ng krisis.
Ipinabatid ni Tuaño na hindi na madaanan ng anumang sasakyan ang Magsaysay Bridge sa Butuan City dahil sa pinsalang dulot ng lindol. Nagkaroon din ng brownout sa lalawigan.
Dagdag pa niya, nasira rin ang ilang bahagi ng Panabo City Police Station (CPS) at Talaingod Municipal Police Station (MPS) sa Davao del Norte. Nasira ang tangke ng tubig ng Panabo CPS at gumuho ang perimeter fence ng Talaingod MPS.
Itinaas sa full alert status ang Police Regional Offices 11 at 13 upang tumulong sa mga isinasagawang rescue, retrieval at relief operations.
Bantay-sarado rin ng pulisya ang mga evacuation center na pinapatakbo ng gobyerno sa mga apektadong lugar. Binabantayan din nila ang peace and order situation, pati na ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Nagbabantay rin sila laban sa posibleng looting at mahigpit na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, sinabi ni Tuaño.
Nasawi sa lindol
“For Region 11 we received (an) initial report of one dead victim due to fallen debris, so this is subject for validation,” sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) deputy administrator for administration, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, sa online briefing.
Aniya, may mga ulat ng pinsala sa mga pasilidad ng Ateneo de Davao at Mapúa Malayan Colleges Mindanao sa Davao City.
May mga bitak din na nakita sa Francisco Bangoy International Airport, “but the airport is still operational,” ani Alejandro. “Wala pong cancelled flights in Davao City.”
Suspendido ang klase sa Davao Oriental at Davao City habang isinasagawa ang assessment sa mga imprastruktura.
Sa Northern Mindanao, sinabi ni Alejandro na may report ng “minor structural cracks” sa ilang eskuwela sa Cagayan de Oro at Iligan City, habang may naiulat ding pagguho ng lupa sa Camiguin.
Normal operations sa airports
Samantala, iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nananatiling normal ang operasyon ng lahat ng paliparan sa ilalim ng kanilang hurisdiksyon matapos ang lindol.
Batay sa paunang pagsusuri, walang naitalang malaking pinsala sa mga pasilidad ng paliparan sa buong bansa. Gayunman, may mga bahagyang bitak na namataan sa gusali ng lohistika ng Dipolog Airport.
Kasalukuyang nagsasagawa ng inspeksyon ang CAAP upang matiyak ang integridad ng estruktura at kaligtasan ng mga pasahero.
Dalawang komersyal na biyahe patungong Davao ang pansamantalang inilihis bilang pag-iingat: GAP2813 (Manila–Davao) na inilihis patungong Mactan-Cebu International Airport; at CEB963 (Manila–Davao) na inilihis patungong General Santos International Airport.
Tiniyak ng CAAP sa publiko na patuloy nitong binabantayan ang operasyon ng mga paliparan upang mapanatili ang ligtas at maayos na serbisyo. Nina ZAIDA DELOS REYES, ALFRED DALIZON & JUN I. LEGASPI May ulat mula sa PNA

