Calendar
Binatilyo na muntik matodas sa bangga dinalaw ng DOTr chief
BINISITA ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez noong Sabado ang pamilya ng menor-de-edad na binangga ng driver sa Teresa, Rizal kamakailan.
Nakita ng kalihim ang mga sugat ng 15-anyos na binatilyo na ilang araw nang hindi nakakapasok sa eskwela kasunod ng insidente.
Binangga ng kotse ang binatilyo habang nakasakay sa kanyang motorsiklo dahil sa nagasgasan umano ng bata ang sasakyan ng driver.
Muntik nang pumailalim ang binatilyo sa kotse na syang ikinagalit ng Acting transport chief.
“Full support ang gobyerno, lalo na ang DOTr, sa inyo. Kakampi niyo po kami. Talagang hindi pwede ‘yung ginawa [ng driver sa bata],” ani Acting Secretary Lopez.
Gayunman, kinausap din ni Acting Secretary Lopez ang mga magulang ng bata at pinaalalahanang huwag nang payagan ang menor de edad na magmaneho ng motorsiklo dahil wala pa itong lisensya.
“Huwag na nating ulitin. Ilang taon na lang naman, pwede na siyang magka-lisensya. Sa ngayon, magbisikleta na lang muna siya papasok ng eskwelahan. Kapag pwede na siyang mag-motor, siguruhing naka-helmet sa susunod,” paalala ni Acting Secretary Lopez.
Nauna nang naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa menor de edad at sa may-ari ng motorsiklo, gayundin sa driver na bumangga, at nakatakda silang humarap sa LTO sa Lunes para magpaliwanag.
Iniutos na rin ni Acting Secretary Lopez ang pagbibigay ng legal assistance sa pamilya ng menor de edad, para makapagsampa ng kaso laban sa driver ng sasakyang nambangga.

