DA

DA handang hawakan mga farm-to-market roads

Cory Martinez Oct 11, 2025
325 Views

TINANGGAP ng Department of Agriculture (DA) ang hamon ng Senado na pangunahan ang pagpapatupad ng farm-to-market road projects imbes ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ipinangako DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang kahandaan ng ahensya na mag-take over sa konstruksyon ng mga kritikal na imprastruktura para pabilisin ang pag-unlad ng kanayunan, maitaas ang kita ng mga magsasaka at matiyak ang matatag na supply ng murang pagkain.

“Sa huling pagdinig ng Senado sa budget ng DA para sa 2026, binigyan kami ng direktang hamon: sarilinin namin ang pangangasiwa ng farm-to-market projects,” ani Tiu Laurel.

Samantala, inihayag ni Sen. Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, na magagawa ng DA ng mas mahusay ang pagtatatag ng farm to market roads.

“Tulad ng kanilang sinasabi, sa krisis ay mayroong oportunidad. Harinawa sa pamamagitan ng pagsulong ay magagamit natin ang bawat pisong inilaan sa DA at mga attached agencies nito , at matiyak na magagamit ng tama ang pera,” ani Sen. Pangilinan.

Nilinaw ni Tiu Laurel na hindi ito magsosolo at makipagtulungan sa mga local government units, gupo ng mga magsasaka at third-party auditors at surveyors upang matiyak ang transparency, accountability at community alignment.

“Masyadong malaki ang mandatong ito. Masyadong mahalaga at madaling umaabuso kapag ipinagkatiwala sa isang ahensiya,” ani Tiu Laurel.