Suspek Ang suspek na inaresto ng mga pulis Maynila matapos holdapin ang dalawang estudyante na nageehersisyo sa Paco, Manila. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

2 jogger sa Paco hinoldap, suspek arestado

Jon-jon Reyes Oct 13, 2025
319 Views

NAKORNER ng mga operatiba ng District Mobile Force Batallion ang 28-anyos na holdaper na tinutukan ng kutsilyo ang dalawang estudyanteng nageehersisyo Linggo ng madaling araw sa Paco, Manila.

Kinilala ang suspek na si alyas “Billy Boy,” binata at residente ng Barangay 871, Paco, Manila, na nahaharap sa kasong robbery-holdup kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 7610.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-5:15 ng madaling araw nang mangyari ang panghoholdap sa mga biktima sa kahabaan ng P. Quirino Extension, tapat ng Manuel A. Roxas High School, Paco.

Base sa salaysay ng mga biktima, naglalakad ang mga ito papuntang Plaza Dilao para mag-jogging nang biglang lumapit sa kanila ang suspek na nakasakay sa bisikleta at nagtanong ng direksyon.

Bumaba ang suspek sa kanyang bisikleta habang may itinatago sa kanyang sando na isang kutsilyo at pagkatapos ay tinutukan ang mga biktima at nagdeklara ng holdup.

Sinabi niya sa mga biktima: “P*t@ng in@ n’yo ibigay n’yo sa’kin ang mga cellphone n’yo.”

Dahil sa takot ng mga biktimang sina alyas “Jonah” at “Mark,” agad nilang iniabot sa suspek ang kanilang mga cellphone: isang unit ng itim na iPhone X na may transparent casing na nagkakahalagang P12,300 at kulay gold na iPhone 6S na may peach casing na nagkakahalagang P8,400.

Matapos ang panghoholdap ay mabilis na tumakas ang suspek tangay ang mga cellphone patungong Peñafrancia Street, Paco.

Dito na sumigaw ang mga biktima at humingi ng saklolo sa lugar hanggang may nakita silang mga pulis na nagsasagawa ng mobile patrolling sa kahabaan ng P. Quirino Extension. Kanilang ini-report ang insidente at itinuro ang tumatakas na suspek.

Hinabol ang suspek ng mga pulis na sina Pat. Edu Fiel, Kier Ferraren, Raymart Arandia at Louthor Tan, mga tauhan ng District Mobile Force Battalion, na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Narekober din sa suspek ang personal property ng mga biktima at kalaunan ay na-turn over sa Manila Police District Pandacan Police Station 10.