SWS

Nakararaming pinoy naniniwala na tapos na ang pinakamalala ng COVID-19

168 Views

NANINIWALA ang nakararaming Pilipino na tapos na o dumaan na ang pinakamalalang kalagayan na aabutin ng bansa pagdating sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa survey ng Social Weather Station (SWS) noong Abril, naniniwala ang 83 porsyento na lumipas na ang pinakamalalang epekto ng COVID-19, mas mataas ng tatlong puntos sa naitala sa survey noong Disyembre.

Nagpahayag naman ng paniniwala ang 16 porsyento na parating pa lamang ang pinakamalalang epekto ng COVID-19, mas mababa sa 19 porsyento na naitala sa mas naunang survey.

Samantala, nagsabi ang 88 porsyento na sila ay natatakot na mahawa ng naturang virus.

Ang survey ay ginawa mula Abril 19-27 at kinuha ang opinyon ng 1,440 respondent sa pamamagitan ng in-person interview.

Umabot na sa 3,739,160 ang bilang ng mga Pilipino na nahawa ng COVID-19. Sa bilang na ito 20,678 ang aktibong kaso at 60,641 ang nasawi, ayon sa Department of Health (DOH).