PRO5

PRO5 PINAIGTING KAMPANYA VS KRIMEN PARA SA KALIGTASAN NG MGA BICOLANO

337 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko, matagumpay na naitala ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang serye ng mga pangunahing operasyon mula Agosto 26 hanggang Oktubre 15, 2025, na nagpapakita ng mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad, at insurhensiya sa buong Rehiyon ng Bikol.

Sa gabay ng PNP Focus Agenda na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas — Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” nakapagsagawa ang PRO5 ng 186 anti-illegal drug operations na nagresulta sa pag-aresto ng 204 na suspek, kabilang ang 7 High-Value Individuals (HVIs) at 37 Street-Level Individuals (SLIs).

Nasamsam din ang 1,836.03 gramo ng shabu at 1,199 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga na ₱12.6 milyon.

Sa kampanya laban sa mga wanted, 458 katao ang naaresto kabilang ang isang DILG Most Wanted Person na may ₱135,000 pabuya at 15 Regional Most Wanted Persons. Isinagawa rin ang 74 operasyon laban sa illegal gambling na may 184 naaresto, 35 operasyon laban sa loose firearms na may 37 naaresto at 35 baril nakumpiska, at 49 operasyon laban sa illegal logging na nagresulta sa 31 naaresto at kumpiskadong troso na nagkakahalaga ng ₱225,013.00.

Sa pagpapatuloy ng Internal Security Operations (ISO), nakapaglunsad ang PRO5 ng 45 operasyon laban sa mga Communist Terrorist Groups (CTGs) na nagresulta sa pag-aresto ng 9 miyembro at boluntaryong pagsuko ng 38 dating rebelde, kasama ang pagkakarekober ng 21 armas at 14 pampasabog.

Ayon kay Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.,

“Ipinapakita ng mga tagumpay na ito na buo ang pagkakaisa ng ating kapulisan sa panawagan ng Pangulo para sa tunay na kapayapaan at kaunlaran. Ang ‘Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas’ ay hindi lamang programa — ito ay patunay ng tunay na serbisyo sa taumbayan.”

Samantala, ayon kay PNP Spokesperson at Chief ng Public Information Office, Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, ang mga nakamit ng PRO5 ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PNP na maging mas epektibo at responsable sa pagpapatupad ng batas sa lahat ng rehiyon.

“Ang mga resulta ng operasyong ito ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng PNP na tugunan ang kriminalidad at mga banta sa seguridad sa pamamagitan ng data-driven strategies, epektibong koordinasyon, at matibay na ugnayan sa komunidad,” ani Tuaño.

Sa matatag na pagtutulungan ng PNP, mga lokal na pamahalaan, at komunidad, nananatiling katuwang ng pamahalaan ang kapulisan sa pagtataguyod ng mapayapa, ligtas, at maunlad na Bicol region— katuwang sa layunin ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas.