BGC

Parte ng building project sa BGC gumuho; 1 patay, 3 sugatan

Edd Reyes Oct 20, 2025
480 Views

BGC1DEDO ang isang contruction worker habang tatlo pa niyang kasamahan ang nasugatan nang gumuho ang core wall para sa elevator ng itinatayong gusali, Lunes ng bago mag-tanghali sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.

Namatay habang ginagamot sa pinagdalhang pagamutan ang hindi pa pinangalanang biktima, habang ino-obserbahan pa ang tatlo niyang kasamahan.

Pawang mga steelman ang apat at nagkakabit ng mga bakal sa poste malapit sa elevator nang mangyari ang insidente dakong alas-11:10 ng umaga sa second basement ng itinatayong gusali.

Kaagad na sumugod sa lugar na pinangyarihan ng pagguho si Taguig Police Chief P/Col. Bryan Allatog sa kanto ng 34th Street at Lane D sa BGC upang alamin ang mga detalye sa nangyaring aksidente at kung sino ang mga dapat managot.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Engr. Harley Tagatac, area manager ng Monolith Construction and Development Corporation, pansamantala muna nilang sinuspinde ang konstruksiyon ng 28-palapag na gusali na magsisilbing headquarters ng bantog na clothing and lifestyle brand, upang bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at lokal na pamahalaan ng Taguig City.

Tiniyak ni Tagatac na sasagutin ng kompanya ang lahat ng mga gastusin sa ospital at pagsasaayos ng burol at libing ng nasawi nilang steelman.

Kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga kinauukulan upang alamin kung may mga dapat managot sa naturang insidente.