Calendar
Tinambangan pagtapos mag-away; 1 patay
FLORIDABLANCA, Pampanga – Isang 15-anyos na estudyante ang namatay habang dalawang kasama niya ang malubhang nasugatan matapos tambangan noong Huwebes sa Brgy. Calantas sa bayang ito.
Ayon kay Pampanga Police director Col. Eugene M. Marcelo, isa sa mga suspek ang naaresto habang tatlo pa sa kanyang mga kasamahan ang pinaghahanap.
Kinilala ang nasawi sa alyas Loza habang ang mga nasugatan ay sina alyas Rico, 16, at Sayso.
Isa sa mga suspek na kinilalang si alyas Baul, 15-anyos, ay nasa kustodiya na ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon, nagkaroon umano ng alitan sa pagitan ng dalawang grupo na nagsimula sa social media.
Nagkasundo ang magkabilang panig na magkita sa boundary arc ng Brgy. Calantas.
Pagdating sa meeting area, hindi nila alam na nagkubli na pala ang mga ito sa paligid upang sila ay tambangan.
Nagtamo ng matitinding injuries ang mga biktima at dinala sila sa Romana Pangan District Hospital subalit idineklara nang dead-on-arrival si Loza.

