Calendar
P42.5M shabu nakumpiska sa dayuhang pasahero sa NAIA
TIMBOG ang 45-anyos na Ugandan national matapos madiskubre ang dala niyang iligal na droga na nakatago sa loob ng kanyang bagahe sa International Arrival Area ng Terminal 3 gabi ng Martes sa Pasay City
Dinakip ng mga tauhan ni Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) Director BGen. Jay Reyes Cumigad ang suspek na negosyanteng pasahero nang dumating sa bansa mula Madagascar na may connecting flight patungong Addis Ababa.
Unang napansin ng Bureau of Customs x-ray operator ang kahina-hinalang imahe sa loob ng kulay abong maleta habang sumasailalim sa security screening, kaya’t kaagad na ipinaalam ang impormasyon sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG).
Nang buksan at siyasatin, tumambad ang nakatagong hinihinalang shabu sa loob ng false compartment ng maleta na tumitimbang nang 6,250 gramo na nagkakahalaga ng P42,500,000.
Dahil dito, inaresto ng mga awtoridad ang suspek at ipinaalam ang kanyang karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine, gamit ang wikang kanyang naiintindihan.
Nasa kustodiya na ng NAIA-IADITG Operations Center ang inarestong pasahero at nakumpiskang droga para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.
“Walang puwang ang mga iligal na droga at anumang kriminal na aktibidad sa ating mga paliparan sa bansa dahil nagtutulungan ang AVSEGROUP katuwang ang lahat ng airport authorities at law enforcement units upang matuldukan ang mga ito,” pahayag ni Cumigad.

