Sikyu

Ex-kagawad binaril tulog na sikyu, pinaghahanap

Edd Reyes Oct 30, 2025
352 Views

BINARIL ng dating kagawad ng barangay ang kalugar niyang security guard habang natutulog sa isang bahay-kubo Miyerkules ng hatinggabi sa Tanauan, Batangas.

Sa Global Hospital na sa Talisay, Batangas pinagbalikan ng ulirat Huwebes ng madaling araw ang biktimang si alyas “Eric”, 43, residente ng Brgy. Maugat, Tanauan City at doon na lang niya naramdaman na may tama pala siya ng bala sa bahagi ng katawan.

Sa ulat ng Tanauan City Police Station, kagagaling lang sa pakikipag-inuman ang biktima nang magpasiyang matulog sa bahay-kubo sa Brgy. Maugat, dakong alas-11:45 ng gabi.

Sa kuha ng CCTV sa naturang lugar, kaagad na tumakas ang suspek na si alyas “Charlie” dating kagawad ng Brgy. Maugat, matapos barilin ang biktima, sakay ng isang asul na “toktok” tricycle patungo sa hindi na nabatid na lugar.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para madakip ang suspek habang inaalam pa ang motibo sa tangkang pamamaslang.