Budget

Manila council ipinasa na ’26 budget

Edd Reyes Nov 1, 2025
391 Views

INAPRUBAHAN ng Maynila ang budget ng lokal na pamahalaan para sa 2026 sa regular session noong Huwebes.

Umabot sa 26 sa 38 miyembro ng City Council ang bumoto ng pabor sa pagpapasa ng Ordinance No. 8970 na naglalaan ng P25 bilyon mula sa general fund ng Manila City Executive Budget.

Pinangunahan ni Councilor Timothy Oliver “Tol” Zarcal ang transparent na deliberasyon para tiyakin ang malinaw na pamamahala.

“Tulad po ng sinabi namin, wala po tayong tinatago. Wala po tayong kinukubli. Wala po tayong babawasan sa nararapat sa taumbayan,” pahayag ni Zarcal.

Binigyang prayoridad sa budget ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pabahay, kalusugan, edukasyon, at trabaho, kaagapay ang kaligtasan ng publiko at pagbangon sa ekonomiya.

Binati ni Vice Mayor Chi Atienza sa kanyang huling pananalita ang mga miyembro ng Konseho sa kanilang pagsisikap sa pagpapasa ng ordinansa.