Calendar
Pinangunahan ni Acting PNP chieg Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.ang pag-iikot bilang siguridad sa publiko matapos ilagay sa full alert ang lahat ng yunit ng PNP sa ilalim ng Oplan Ligtas Undas 2025. JONJON C. REYES
Nartatez: PNP nakafull-alert para tiyak na ligtas ang Undas
HANDA ang Philippine National Police (PNP) para tiyakin na magiging ligtas, maayos at mapayapa ang paggunita ng Undas 2025 sa buong bansa.
Ayon kay Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., naka-full alert na ang lahat ng yunit ng PNP sa ilalim ng Oplan Ligtas Undas 2025 bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Inutusan natin ang ating mga tauhan na panatilihin ang presensiya ng pulisya at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay upang maiwasan ang krimen at katiwalian,” pahayag ni Nartatez.
Naka-deploy ang mga pulis sa mga pangunahing lugar ng daloy ng tao at sasakyan.
Mula sa mga sementeryo at terminal hanggang sa mga simbahan at expressway checkpoints, handang magbigay ng tulong at gabay ang PNP upang matiyak ang maayos na paglalakbay ng bawat mamamayan.
Layunin ng operasyon na mapanatili ang seguridad, kaayusan, at kapanatagan ng publiko sa paggunita ng Undas.
Sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Gen. Nartatez, pinalakas ng PNP ang ugnayan nito sa mga lokal na pamahalaan, ahensya ng transportasyon at mga grupong sibiko.
Personal na ininspeksyon ni Nartatez ang mga lugar ng deployment upang tiyaking handa ang mga tauhan sa lahat ng lugar.
Pinagtibay ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units, transport operators, at volunteer groups upang sabay-sabay na masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Bahagi rin nito ang pagbabantay sa mga pangunahing terminal, pantalan, at paliparan upang maiwasan ang mga insidente ng krimen at aberya sa biyahe.
Ayon kay Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, tagapagsalita ng PNP at hepe ng Public Information Office, naka-full deployment na ang lahat ng istasyon at handang tumugon anumang oras.
“Kung kailangan ng tulong o may kahina-hinalang sitwasyon, lumapit sa pinakamalapit na police assistance desk o tumawag sa Unified 911. Nakaantabay ang ating mga pulis 24/7,” ani PBGEN Tuaño.
Hinikayat din niya ang publiko na makipagtulungan at manatiling disiplinado upang maging matagumpay ang Oplan Ligtas Undas 2025.
Bukod sa pagpapanatili ng seguridad, pinaaalalahanan ng PNP ang lahat na maging mahinahon, magalang, at mapagmatyag sa kanilang paglalakbay.
Iwasan ang alitan sa kalsada, bantayan ang mga gamit, at sundin ang mga patakaran sa pampublikong lugar.

