Mall

GRADE 12 DI BINALIKAN NG GF, NAHULOG SA 3RD FLOOR NG MALL, PATAY

Edd Reyes Nov 1, 2025
545 Views

Mall1MAAGANG winakasan ng Grade 12 na babaeng estudyante ang kanyang buhay matapos na mag-viral sa social media ang eksena ng tuluyan niyang pagkahulog sa ikatlong palapag ng isang bantog na mall, Biyernes ng hapon sa Caloocan City.

Naisugod pa ng mga tauhan ng mall at nagrespondeng mga pulis sa Manila Central University (MCU) Hospital ang 18-anyos na biktima, subalit hindi na rin naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay nang isailalim sa mahigit tatlong oras na maselang operasyon bunga ng panloob na pagdurugo o internal hemorrhage sa kanyang ulo.

Sa ulat ni Police Major Jansen Tiglao, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS), kay Caloocan Police Chief P/Colonel Joey Goforth, kasama ng biktima ang kanyang mga kaibigan at menór de-edád na “girlfriend” nang magtungo sa naturang mall noong bisperas ng Undas.

Dakong alas-2:45 nang makita sa nag-viral na video na nakaupo sa gilid sa tabi ng escalator sa ikatlong palapag ng mall ang biktima.

Habang hinihimok siya ng kumuha ng video na huwag magpadalos-dalos, tinangka naman siyang sagipin ng utility man at security guard ng mall subalit nagulat at nagpumiglas ito, hanggang tuluyang mahulog at bumagsak sa ground floor ng mall.

Kalaunan ay na-delete na ang viral video sa social media.

Lumabas sa imbestigasyon na nakipagkalas na umano sa biktima ang kasintahan at tumanggi nang makipagbalikan kaya’t nakaranas ng emosyonal na pagkabalisa ang dalaga makaraan silang maghiwa-hiwalay na magkakaibigan sa loob ng mall.

Ayon kay Tiglao, nagsasagawa pa sila ng malalimang imbestigasyon sa pangyayari upang malaman ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng mall at ng utility man na nauna ng nagpahayag na nais lamang niyang makatulong kaya’t tinangkang hablutin ang biktima, na dahilan ng tuluyang pagkahulog tungo sa kamatayan.