Pangandaman

DBM inilarga prayoridad na gastusan ng P5.2T budget para sa 2023

230 Views

ITINALAGA na ng Department of Budget and Management (DBM) ang prayoridad na gagastusan ng Marcos administration ng P5.2 trilyong national budget para sa 2023.

Sa isinagawang economic briefing matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na edukasyon, kalusugan, social safety nets, imprastraktura, at agrikultura ang pupuntahan ng malaking bahagi ng panukalang budget.

“The DBM will endeavor to craft a budget anchored on the 8-point Socio-Economic Agenda towards sustainable and inclusive budget for prosperity and economic transformation,” sabi ng kalihim.

Dagdag pa ni Pangandaman na katulad ng nakasaad sa Konstitusyon, ang sektor ng edukasyon pa rin ang makatatanggap ng pinakamalaking bahagi ng budget ng gobyerno.

Plano umano ng administrasyon na gawing malusog ang mga Pilipino upang sila ay maging produktibong bahagi ng lipunan.

Itutuloy din umano ang Build Build Build, at palalawigin pa ito samantalang itutulak ang modernisasyon ng agrikultura para dumami ang suplay ng pagkaon sa bansa.

Sinabi ni Pangandaman na itinutulak ng DBM na maipasa ang budget bago matapos ang taon.