Isko

Sewage treatment plant sa Roxas Blvd hiniling ni Yorme na ilipat sa CCP Complex

Edd Reyes Nov 4, 2025
262 Views

HINILING ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mailipat ang sewage treatment plant (STP) sa CCP Complex mula sa Roxas Boulevard upang masilayang muli ang ganda ng paglubog ng araw sa Manila Bay.

Sa kanyang pagdalo sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) sa punong tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Martes ng umaga, sinabi ng alkalde na masakit na sa matang tingnan ang STP na bukod sa sagabal sa Bay sunset view ay ginagawa na ring tambakan ng mga makina.

“Kung puwede, pipe lang naman ‘yun, i-redirect na lang doon sa may open space sa CCP. Baka doon na lang kayo magtayo ng bagong STP na mas malaki pa,” hiling ni Domagoso kay Public Works Secretary Vivencio “Vince” Dizon, na dumalo rin sa pagpupulong.

Nilinaw ng alkalde na hindi niya tinututulan ang pagtatayo ng STP na maganda aniya ang intensiyon bagama’t hindi na aniya maayos na napapangalagaan ang istraktura at nagsisilbi na lang sagabal sa kagandahan ng Manila Bay area.

“Kung maibalik naman namin ‘yung ginhawa ng aming binebentang ‘Manila Sunset,’ kasi wala na kaming makita ngayon,” sabi pa ng alkalde kasabay ng pagbatikos sa paglalagay pa ng puting bakod sa paligid ng ilang pasilidad..”Walang ka-taste taste,” dugtong niya.

Pinuri at sinuportahan naman ni Mayor Isko Moreno ang ginagawa ngayon ng DPWH na pag-upgrade sa water at drainage systems, pati na paglalagay ng mas malaking tubo sa kahabaan ng Taft Avenue upang maibsan ang pagbaha sa distrito ng Ermita at Malate.

“Thanks to DPWH recently, they are now re-piping the Taft Avenue area, with much bigger pipes na kasalukuyang nakasalang ngayon,” sabi ng alkalde.