Calendar
Storm surge inaasahan dahil sa Bagyong Uwan
NAKATAAS na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3, 2 at 1 sa ilang bahagi ng bansa habang mabilis na lumalakas ang Bagyong Uwan (international name: Fung-wong) sa Philippine sea, silangan ng Bicol region.
Sa tropical cyclone bulletin na inilabas alas-5 ng hapon nitong Sabado (Nobyembre 8), sinabi ng Pagasa na ang mata ng Bagyong Uwan ay nasa humigit-kumulang 575 km silangan ng Catarman, Northern Samar, o 620 km silangan ng Virac, Catanduanes, at kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h hanggang alas-4 ng hapon.
May lakas na hangin na 150 km/h malapit sa gitna, na may pagbugsong aabot sa 185 km/h at central pressure na 955 hPa, sabi ng Pagasa.
Ang malakas na hangin ay umaabot hanggang 800 km mula sa gitna nito, idinagdag ng weather bureau.
Isinailalim na sa Signal No. 3 sa Catanduanes; eastern portions ng Camarines Sur (Siruma, Tinambac, Goa, Lagonoy, Caramoan, Tigaon, Garchitorena, Sagnay, San Jose, Presentacion); eastern portions of Albay (Tiwi, Santo Domingo, Malinao, Rapu-Rapu, Tabaco City, Bacacay, Malilipot); hilagang-silangan na bahagi ng Sorsogon (Prieto Diaz) sa Luzon at hilagang-silangang bahagi ng Northern Samar (Palapag, Mapanas, Laoang) sa Visayas.
Sinabi ng Pagasa, inaasahang lalakas nang mabilis ang Bagyong Uwan, na posibleng umabot sa super typhoon status ngayong gabi ng Sabado, o Linggo ng umaga (Nobyembre 9).
Inaasahan ang malakas na pag-ulan, storm surge, at maalon na karagatan sa mga apektadong lugar sa baybayin, lalo na sa Bicol, Northern Samar, Eastern Samar, at ilang bahagi ng Luzon.
Binigyang-diin din ng Pagasa na maaaring mag-landfall ang bagyo malapit sa Catanduanes, southern Isabela, o northern Aurora.
Sa track forecast, ang gitna ng mata ni Uwan ay maaaring dumaan malapit sa Catanduanes at maglandfall sa katimugang bahagi ng Isabela o sa hilagang bahagi ng Aurora ngayong Linggo ng gabi (Nobyembre 9) o Lunes ng madaling araw.
Pagkatapos mag-landfall, dadaan si Uwan sa bulubunduking lugar ng Northern Luzon at lalabas sa Lingayen Gulf o sa coastal waters ng Pangasinan o La Union sa Lunes ng umaga o hapon.
Hinimok ng Pagasa ang publiko na subaybayan ang mga local advisories, sundin ang mga evacuation order, at manatili sa loob ng bahay sa kasagsagan ng bagyo.

