High-tech dryers, rice mills magagamit na ng magsasaka sa Isabela

Cory Martinez Nov 10, 2025
286 Views

MAKAKAGAMIT na ng multi-stage rice mill at recirculating dryers ang mga magsasaka sa Isabela sa pag-turnover ng Department of Agriculture (DA) sa Rice Processing System II (RPS II) na nagkakahalaga ng P60.6 million sa Isabela Seed Grower’s Multi-Purpose Cooperative.

Ang inisyatiba ay bahagi ng Rice Competetiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program.

Dinisenyo ang mga gamit pansaka upang mapalakas ang efficiency sa milling, mapahusay ang kalidad ng butil at maitaas ang kita ng mga magsasaka.

Kabilang pa sa RPS II ang multi-stage rice mill na may kapasidad na dalawa hanggang tatlong tonelada per oras at dalawa o higit pang recirculating dryers na may kapasidad na 12 tonelada per batch.

Ayon kay DA Secretary Tiu Laurel, Jr., bahagi ang inisyatiba para isulong ang modernisasyon sa sektor ng palay.

“Ito ay bahagi ng malawak na pagsisikap ng gobyerno na maging modern ang industriya ng palay at suportahan ang adhikain na Bagong Pilipinas para sa mas maunlad at technology-driven na agriculture sector,” sabi ni Tiu Laurel.

Iginawad din ng DA ang P77 million na halaga ng mga makinang pansaka sa mga kuwalipikadong magsasaka.

Kabilang sa package ang tractors, transplanters, harvesters at iba pang kagamitang magpapalakas sa produksiyon at mapatatag ang mekanisasyon sa mga lokal na komunidad.

Pinangunahan ni Agriculture Undersecretary for Rice Industry Development Christopher Morales ang seremonya kasama sina Philmech Director III Joel V. Dator at DA Regional Field Office II Executive Director Rose Mary Aquino at ang mga lokal na opisyal at partner agencies.

Binigyang-diin ni Morales ang mahalagang papel ng mekanisasyon sa pagtulong sa mga magsasaka upang manatiling makipagsabayan sa gitna ng tumataas na gastos sa produksiyon at problema sa klima.

“Sa pamamagitan ng mga aksiyon na ito, sinisiguro natin na ang mga Pilipinong magsasaka ay hindi lamang makakapag-ani ng mas maraming palay kundi mas marami rin ang kikitain mula sa kanilang pagsisikap,” ayon kay Morales.