SLEX

Govt vehicles libre sa toll sa SMC-owned expressways

237 Views

TOLL-free ang mga sasakyan ng gobyerno na ginamit sa relief at recovery operations sa mga lugar na apektado ng bagyong Uwan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ni San Miguel Corp. Chairman at CEO Ramon Ang na ang mga toll operations team ng kumpanya ay nakikipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TRB) upang mapadali ang pagpapatupad ng utos ng Pangulo.

“Ang aming prayoridad ay tiyakin na makarating ang mga tumutugon sa mga apektadong komunidad sa lalong madaling panahon,” sabi ni Ang.

Nagpapatakbo ang SMC Infrastructure ng mahigit 200 kilometro ng mga expressways sa Luzon, kabilang ang Skyway, South Luzon Expressway (SLEX), STAR Tollway, Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEX) at NAIA Expressway.

Bago ang pagtama ni Uwan, nagpadala ang kumpanya ng mga maintenance crew upang suriin ang mga expressways.

Pinapayuhan ang mga motorista na palaging sundin ang mga patakaran sa trapiko at limitasyon sa bilis at maging maingat kapag nagmamaneho sa masamang panahon.

Noong panahon ng pandemya, pinatawad ng SMC ang mahigit P230 milyon sa toll para sa mga medical frontliner sa lahat ng kanilang expressway.