Viva

Bagong Viva artist bet makatrabaho sina Anne, Sarah, Aga, Andres, Atasha at Wilbert

Ian F Fariñas Nov 16, 2026
4 Views

Matapos mapansin ang ac­ting sa Cinemalaya 2026 entry na “Kaka sa Yawan,” pumirma ng kontrata sa Viva Artists Agency (VAA) ang young actor na si Bryce Nicolo Mercader.

Limang taon ang kontratang pinirmahan niya noong nakaraang Friday kasama ang boss ng VAA na si Veronique del Rosario-Corpus at ang anak nitong si Atty. Jillian Corpus ng Viva legal department.

Pagkatapos ng contract signing ay nagpa-sample ng sing and dance si Bryce.

Banggit nga ni Veronique, kaila­ngan talaga nila ng young actor dahil majority sa mga batang artista nila ay babae.

Excited naman si Bryce na mag-workshop bago sumabak sa trabaho.

Proud din sa nasabing contract signing ang mismong lola ni Bryce na si Anna Liza Aclan, na tumatayong guardian ng batang aktor.

“Happy po ako. Masaya po ako na pumirma na ako ng kontrata sa Viva. Excited na po ako na gumawa ng pelikula sa kanila. Pangarap ko talaga na maging artista tulad ni Coco Martin!” sabi ni Bryce.

Aniya, dream niyang makatrabaho sa bakuran ng Viva ang prized Viva artists na sina Anne Curtis, Wilbert Ross, Sarah Geronimo, Andres, Atasha at Aga Muhlach.

“Si Kuya Wilbert po, gusto ko siyang maging kuya sa pelikula. Si Andres din po, gusto kong maging kuya. Si Ate Anne po, gusto kong maging mommy sa movie.

“Si Ate Sarah gusto ko rin pong makasama sana kumanta. ‘Pag sa pelikula po, gusto ko siyang maging kapatid din po,” kuwento ni Bryce sa ilang showbiz writers.

Sa ngayon, sobrang excited siya pero hindi raw niya igi-give-up ang kanyang pag-aaral. Grade 4 si Bryce sa St. Paul, Tondo.

“Pero, tuloy pa rin po ang pag-aaral ko. Marunong naman po ako ng time management. ‘Pag may school po, bawal magpuyat. Puwede lang mag-shooting ’pag walang pasok. Sana kapag Saturday and Sunday puwede mag-shooting.

“Pangarap ko po talaga ang maging sikat na artista, tulad nga po ni Coco Martin. Gusto ko ‘yung nakakasama ang fans. Gusto ko ‘yung mga nakakatulong sa mga tao. At saka para mabili ko rin ang mga gusto ko.

“Ang mahal, gusto ko po agad bumili ng sports car. Kaya work, work, work muna!” kuwento pa nito kaharap ang kanyang lola na minsan nang nabudol dahil sa pangarap ng apo.

Anyway, kasama nga niyang nagbida sa Cinemalaya entry na “Kaka sa Yawan” si Beaver Magtalas at malapit na raw mapanood ang movie sa streaming platform.

Hindi nga lang nabanggit si Bryce kung saang streaming ipalalabas ang “Kaka…”, kung saan nakitaan siya ng potential sa acting.