Carmelle Larawan: Eurovision Song Contest Asia/FB

PH wagi sa 1st Eurovision Song Contest Asia 2026

38 Views

WAGI ang Pilipinas sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia 2026 matapos koronahan si Carmelle Collado, na nagtatanghal bilang Carmelle, bilang grand champion sa kompetisyong ginanap sa One Bangkok Forum sa Bangkok, Thailand, noong Nobyembre 14, 2026.

Bitbit ang kantang “Sobra-Sobra,” nakakuha si Carmelle ng kabuuang 211 puntos, na nagmula sa 93 puntos ng national juries at 118 puntos mula sa global public vote. Nanguna siya sa parehong jury at online voting, na may mga botong nagmula sa 183 bansa at teritoryo.

Nasa ikalawang puwesto ang host country Thailand sa pamamagitan nina Mang and Daou na may 170 puntos, habang pumangatlo ang Vietnam sa 164 puntos. Lumahok sa grand final ang 11 bansa.

Sa edad na 19, si Carmelle ang pinakabatang kalahok sa kompetisyon. Bago ang kanyang tagumpay, nakilala siya bilang grand champion ng “Tawag ng Tanghalan,” runner-up sa “The Voice Kids,” at dating housemate ng “Pinoy Big Brother.”

Co-written nina Carmelle at Mart Sam Emmanuel Olavides, ang “Sobra-Sobra” ay pop-rap anthem na nagtatampok sa lakas at empowerment ng kababaihang Pilipino. Ipinagkaloob sa kanya ang inaugural trophy ng Bulgarian singer na si Dara, at nakatakda rin siyang maging guest performer sa Eurovision 2027 sa Burgas, Bulgaria.