Crime

Lalaki binaril sa noo sa harap ng kapatid, tepok

Edd Reyes Nov 12, 2025
419 Views

BINARIL ng hindi pa kilalang salarin sa harap ng kanyang kapatid ang lalaking nais lamang magtungo sa resort Martes ng hapon sa lalawigan ng Cavite.

Dedo kaagad ang biktimang si alyas Wel sanhi ng tinamong isang tama ng bala sa ulo habang mabilis na tumakas ang hindi pa kilalang suspek na tinutugis na ng kapulisan.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng hapon nang magtungo si Wel at kapatid na si John Rey sa Extension Bukal Resort sa Package 5, Sunshineville, Cabuco, Trece Martires City upang maligo sana sa naturang resort.

Sa pahayag ni Joh Rey sa mga tauhan ng Trece Martires Police Station, nagtanong lang aniya ang kanyang kapatid sa suspek kung sino ang namamahala sa naturang resort subalit sa halip na sumagot, bumunot ng baril ang salarin at malapitang pinaputukan sa noo ang kanyang kapatid.

Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya sa kuha ng CCTV at sinisiyasat na rin ang ilang mga kawani ng naturang resort upang makilala ang salarin at alamin ang motibo sa naturang pamamaslang.