patay

Ex ng model na nakitang patay, patay na rin

341 Views

NATAGPUANG patay nitong Miyerkules ng umaga ang dating kasintahan ng freelance model na si Gina Lima, sa parehong bahay kung saan pumanaw si Lima noong Linggo sa Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), nadiskubre ang bangkay ni Ivan Cezar Ronquillo, 24 taong gulang, na nakalambitin sa fire exit ng kaniyang bahay sa Barangay Apolonio Samson, pasado alas-7 ng umaga nitong Miyerkules.

Dinala pa si Ronquillo sa Quezon City General Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit na si Lt. Col. Eddison Ouano, bandang alas-2 ng madaling araw ay nakita pang naglalakad ang biktima.

“Around 7 a.m. nakita ng tenants na patay na, may nakalambitin doon so ni-report sa tatay. Nakita ng tatay, na-identify niya nga na anak niya ‘yung nakabigti,” ayon kay Ouano.

Sa kaniyang social media account nitong Martes ng gabi ay may magkakasunod na post si Ronquillo na tila may pahiwatig na gusto ng wakasan ang kaniyang buhay.

May mensahe din siya sa kaniyang dating kasintahan na si Lima.

“Mahal na mahal kita Gina hinding hindi ko kaya na wala ka sa tabi ko at hinding hindi ko kaya mabuhay ng wala ka sobrang sakit na sa tabi pa kita nawala hayaan mo susunod ako sayo at makakasama nakita alam na natin satin dalawa na walang makakapigil sa pagmamahal natin,” ayon sa post.

Samantala, inilabas na ng QCPD ang inisyal na resulta ng autopsy sa bangkay ni Lima at ayon dito ay hindi ikinamatay ng freelance model ang mga nakitang pasa sa kanyang hita.

Ayon sa pulisya, nakitaan si Lima ng paninikip sa dibdib.

Hinihintay pa ang resulta ng toxicology at histopathology test para malaman ang tunay na sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon kay Maj. Jennifer Ganaban, tagapagsalita ng QCPD, hindi itinuturing na under investigation ang dating kasintahan ni Lima.

“As of kahapon, hindi naman natin binanggit ‘yung kanyang ex-boyfriend at clinarify ko rin ito during the interview na witness lang siya since siya ‘yung kasama niya kaya kinuha natin siya as witness,” ayon kay Ganaban.