SPD

Warrant of arrest sinubok isilbi ng SPD vs Zaldy Co; unit sa BGC isang buwan nang selyado

289 Views

PNP tracker teams handang damputin ex-solon

PINUNTAHAN ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang isa sa tirahan ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co upang isilbi ang warrant of arrest Sabado ng umaga sa Taguig City.

Bitbit ng mga tauhan ni acting SPD Director P/BGen. Randy Arceo ang arrest warrant na inilabas ni Sandiganbayan Fifth Division Associate Justice Zaldy V. Trespeses nang puntahan ang tinutuluyan ni Co sa 56 C-D Horizon Homes, Shangri-La BGC Fort Bonifacio, Taguig City, dakong alas-11 ng umaga.

Gayunman, wala si Co sa naturang tirahan at sa halip, ang Duty Manager na si Richard Paul Estampa at Security Manager na si Miguel Del Prado ng Shangr-La BGC ang nakausap nina P/CMS Mark Andrew Mozo ng Warrant and Subpoena Section ng Taguig police para kumpirmahin na wala sa kanyang unit ang wanted na dating kongresista.

Sinabi sa pulisya nina Estampa at Del Prado na halos isang buwan ng selyado ang pintuan ng inookupang unit ni Co na patunay na wala ng naninirahan dito.

Sa report ni Taguig acting police chief Bryan Allatog sa SPD, patuloy nilang isasagawa ang validation, surveillance at monitoring upang matunton at tuluyang madakip ang akusadong si Co.

PNP tracker teams naka-deploy

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) noong Biyernes na naka-deploy ang kanilang tracker teams para ma-serve ang mga arrest warrant na inilabas ng Sandiganbayan laban kay Co at kanyang 17 co-accused sa anomalya sa multi-billion flood control project.

“The Philippine National Police acknowledges the issuance of arrest warrants against former Ako Bicol Representative Zaldy Co and 17 others, as announced earlier today by President Ferdinand R. Marcos Jr., in connection with alleged irregularities in flood control projects,” saad ni acting PNP Chief Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa isang press statement.

“The PNP is coordinating closely with the Sandiganbayan and other concerned agencies to ensure the lawful and orderly implementation of these warrants,” sabi pa niya.

“We assure the public that due process will be strictly observed, and the individuals involved will be accorded all rights guaranteed under the law,” dagdag ni Nartatez.

“This development reflects the continuing effort of government institutions to ensure transparency and accountability in public service. The PNP remains committed to supporting these processes professionally, fairly, and without prejudice. We call on the public to continue placing trust in our institutions as we carry out our duties with integrity, respect for the rule of law, and commitment to justice,” aniya.

Kabilang sa mga co-accused ni Co ang engineers mula sa Department of Public Works and Highways at mga opisyal ng construction firm na Sunwest Corp., dahil sa mga iregularidad sa flood control project sa Oriental Mindoro.

Walang bail na inirekomenda para sa bawat akusado dahil sa mga iregularidad sa halagang P289 milyong river dike project.

“They will be arrested, presented to the court and made to answer to the law,” pahayag ni Pagulong Marcos sa video message kung saan nagpasalamat siya sa publiko sa kanilang pagpasensiya.

“There will be no special treatment, and nobody would be spared,” dagdag niya.

DILG magpapatulong sa Interpol

Ayon sa ulat, huling nakita si Co sa Japan.

Sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr. na hihingi sila ng tulong mula sa Interpol upang matunton si Co sa pamamagitan ng Red Notice.

Naglabas din ang Department of Justice ng kautusan sa imigrasyon upang pigilan ang iba pang mga akusado na makalabas ng bansa.

Sinabi ni Remulla na ang PNP tracker teams ay magsasagawa ng operasyon sa lahat ng nakalistang tirahan ng mga akusado, rerepasuhin ang limang buwang surveillance footage, at maaaring humiling ng kanselasyon ng pasaporte upang matiyak ang pananagutan.

Ibinunyag din niya na may Blue Notice nang inilabas laban kay Co dalawang buwan na ang nakalipas, na nagbibigay-daan sa pamahalaan ng Pilipinas na matunton ang kanyang kinaroroonan sa ibang bansa, kabilang ang Estados Unidos, Europa, Singapore, Spain, Portugal at Japan.

Kasalukuyan ding inaalam ng mga awtoridad kung ang golden visa ni Co sa Portugal ay nakuha bago o matapos ang pagkakasangkot sa mga krimen. Ang susunod na hakbang ng gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng Portugal ay nakasalalay sa resultang ito. Nina EDD REYES, JUN LEGASPI & ALFRED DALIZON