ALMC

Lacson nais palawakin kapangyarihan ng AMLC upang malabanan korapsyon

208 Views

DAPAT lamang palakasin ang AMLC upang malabanan ang mga kurakot.

Dahil dito, naghain si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ng panukalang batas para palawakin ang kapangyarihan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), kasunod ng kanyang pagbubunyag ng umano’y korapsyon sa ilang proyekto sa flood control.

Layon ng Senate Bill 1557 na i-update ang Anti-Money Laundering Act (AMLA) sa pamamagitan ng pagpapalawak ng listahan ng covered persons, pagdaragdag ng mga predicate offense, at pagbibigay sa AMLC ng mas matibay na kapangyarihan para subaybayan at i-freeze ang kahina-hinalang pondo. Sinabi ni Lacson na mahalaga ang hakbang upang maiwasan ang muling pagpasok ng Pilipinas sa Financial Action Task Force (FATF) grey list bago ang susunod na pagsusuri sa 2027.

“Recent corruption issues have highlighted the complexities of financial crimes. Updating the AMLA to meet the requirements of the times would prevent us from being placed in the FATF Greylist again,” ayon kay Lacson.

Nauna nang inilahad ng senador ang umano’y pagwaldas ng pondo sa mga substandard at “ghost” flood control projects, kabilang ang ulat na may bahaging naipangsu-sugal sa mga casino. Aniya, ipinapakita nito na kulang ang kasalukuyang batas para masundan ang galaw ng ilegal na pera sa mga bangko, casino, at iba pang financial channels.

Sakop ng SB 1557 ang pagdagdag sa mga covered persons tulad ng trusts at virtual asset service providers, mga negosyong bumibili at nagbebenta ng real estate, lahat ng uri ng online gambling operators, at mga abogado at accountant na nagbibigay ng serbisyo sa covered entities. Oobligahin din ang mga casino na magsagawa ng customer due diligence para sa transaksiyong nagsisimula sa P150,000.

Nililinaw rin ng panukala ang mga threshold para sa jewelry dealers at mga negosyante ng precious metals at stones, habang pinalalawak ang listahan ng mga krimeng maituturing na predicate offense sa money laundering.

Kasama sa mga reporma ang pagbibigay sa AMLC ng kapangyarihang maglabas ng non-court-based subpoenas at maghain ng freeze orders at civil forfeiture cases nang direkta o sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General. Pinalalakas din ang kapangyarihan ng AMLC na magsagawa ng bank inquiry nang walang court order sa piling kaso.

Pinalalakas din ng bill ang risk-based supervision ng AMLC, nagbibigay-daan sa pagbisita at inspeksiyon sa covered persons, at pinahihintulutang mag-administer ng oaths ang mga opisyal nito.

Pinalalawig din ang confidentiality rules para sa lahat ng may access sa datos ng AMLC.

Naglalaman din ang panukala ng pangkalahatang pagbabawal sa pag-isyu ng injunction laban sa aksiyon ng AMLC maliban kung manggagaling sa Court of Appeals o Supreme Court. Maaari ring suspendehin ng AMLC ang mga kahina-hinalang transaksiyon bilang preventive measure.

Pinalalawak ng panukala ang listahan ng predicate offenses upang isama ang terorismo at kaugnay na krimen, cybercrime offenses, paglabag sa batas laban sa online sexual abuse o exploitation ng bata, paglabag sa Anti-Dummy Act, at economic sabotage sa agrikultura.

Sinabi ni Lacson na mahalaga ang panukala upang mapalakas ang integridad ng sistemang pinansyal ng bansa habang sinisikap ng pamahalaan na pigilan ang korapsyon at maprotektahan ang pondo ng bayan.