BI

7 biktima ng trafficking balik Pinas mula sa mga scam hubs

Jun I Legaspi Nov 27, 2025
414 Views

PITONG repatriated na Pilipino mula sa Myanmar ang dumating noong Nobyembre 25, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Kasabay nito, muling nagbigay babala ng ahensya sa publiko laban sa mga online job offers na patuloy na nagiging daan ng human trafficking na konektado sa mga scam hub.

Dumating ang mga biktima sakay ng Philippine Airlines mula Bangkok, Thailand at tinulungan ng Ninoy Aquino International Airport Task Force on Anti-Trafficking (NAIA-FAT) pagdating.

Binubuo ang mga repatriado ng apat na babae at tatlong lalaki na pawang nasa edad 20 hanggang 30.

Anim sa mga biktima ang lumabas sa bansa sa pamamagitan ng illegal migration corridor o mas kilala bilang “backdoor,” habang isa umalis na nagkunwaring turista patungong Thailand.

Na-recruit sa pamamagitan ng isang job advertisement sa Facebook group ang isa sa pito.

Nag-aalok ng encoder work sa Thailand na may sahod na humigit-kumulang 30,000 bahts.

Nakipag-ugnayan sa mga biktima ang isang Filipina handler sa Facebook Messenger at kalaunan sa Telegram. Inutusan siyang bumiyahe sakay ng bangka mula Tawi-Tawi patungong Malaysia.

Mula roon, dinala sila sa Mae Sot, Thailand, at kalaunan ay ipinasok sa Myanmar.

Sinabihan siyang doon siya magtatrabaho ngunit matapos lamang ang isang buwan ay nagtangkang magbitiw dahil sa 16-oras na trabaho kada araw, mapang-abusong kalagayan at multang 1,000 bahts kapag hindi nakakapagrecruit ng kliyente.

Isa pang repatriated na lalaki ang nagdetalye ng kanyang mapanganib na trafficking journey.

Pagdating sa Bangkok, sumunod siya sa direksyon patungo sa isang sasakyan na nagdala sa kanya ng apat na oras sa isang hotel.

Kinabukasan, siya ay kinuha at dinala sa isang bulubunduking lugar, saka inilipat sa hindi bababa sa anim na pick-up truck at isang motorsiklo hanggang makarating sa Mae Sot.

Muling iginiit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa ay dapat umiwas sa pagtanggap ng hindi beripikadong online job offers na nag-aalok ng mataas na sahod kapalit ng iregular na biyahe.

“Lalong lumalala ang mga kuwentong ito,” sabi ni Viado.