DOH

24k bagong kaso ng COVID-19 naitala sa nagdaang linggo

154 Views

UMABOT sa 24,100 ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa bansa mula Hulyo 25 hanggang 31.

Ayon sa Department of Health (DOH) mas mataas ito ng 24 porsyento kumpara sa 19,536 bagong kaso na naitala mula Hulyo 18 hanggang 24.

Ang average na arawang kaso sa nagdaang linggo ay 3,443 tumaas mula sa 2,791 sa mas naunang linggo.

Nadagdagan naman ng 44 ang bilang ng mga nasawi kaugnay ng COVID-19.

Paglilinaw ng DOH hindi noong nakaraang linggo naman ang mga ito kundi hindi lamang nai-rekord kaagad. Ang pinakaluma ay noong Agosto 2021.

Hanggang noong Hulyo 31, 744 ang bilang ng mga severe at critical cases na nagpapagaling sa ospital.

Mayroon ngayong 34,268 aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Nasa 3,685,173 ang kabuuang bilang ng mga nahawa at 60,737 ang nasawi.

Sa 2,583 intensive care unit (ICU) beds na nakalaan para sa COVID-19, 601 o 23.3 porsyento ang ginagamit. Ginagamit naman ang 6,505 o 29.5 porsyento ng 22,051 non-ICU COVID-19 beds.